5 SUSPEK SA CHILD TRAFFICKING INASUNTO

CHILD TRAFFICKING

BILIRAN – NAHAHARAP na sa patong-patong na kaso ang limang suspek ng child trafficking sa probinsiyang ito.

Nagsagawa ng dalawang magkasunod na entrapment operation ang awtoridad kung saan naaresto ang limang mga suspek na natuklasang magkamag-anak.

Ayon kay Pol. Capt. Niño Lawrence Ibo, OIC ng Women and Children Protection Center Visayas Field Unit, unang isinagawa ang operasyon sa Brgy. Victory, Caibiran kung saan nasagip ang dalawang taon at 10-anyos na mga batang babae.

Sinundan ito ng operasyon sa Barangay P.I. Garcia, Naval kung saan naisalba naman ang tatlo pang mga babaeng menor de edad.

Nabatid na ang naturang mga biktima ay sapilitang pinapagawa ng live lewd shows sa harap ng computer kung saan ang mga foreigner ang nanonood dito ay nagbabayad ng tig-$30 bawat show.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang limang mga biktima. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM