APRUBADO na sa House Committee on Ways and Means ang panukala na nagpapataw ng 5% franchise tax sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa kanilang pagpupulong, inaprubahan ng panel ang House Bill 5267 na inihain ng chairman nito na si Albay Rep. Joey Salceda, na naglalayong pa-tawan ng buwis ang POGOs sa bansa.
Sa inaprubahang bersiyon ng komite, papatawan ng 5% franchise tax ang gross winnings ng POGOs na binigyan ng lisensiya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Ayon kay Salceda, hindi hamak na mas maganda ang POGO tax kumpara sa ASIN tax dahil hindi masasagasaan ang ordinaryong mamamayan.
Papatawan din ng 25% withholding tax ang mga POGO worker na may minimum threshold na P600,000.
Nakasaad din sa panukala na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang mag-iisyu ng lisensiya sa POGO hubs na nakare-histro sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Target na makalikom ang gobyerno ng P45 billion na kita sa pagbubuwis sa POGOs kada taon.
“The probability of gaining or winning in any casino is 18%. So gross winning there is 82%, so what’s the 5%? It’s definitely a very proportional and reasonable,” ani Salceda.
Sa kasalukuyan ay P2.2 billion lamang ang kinikita ng pamahalaan kada taon mula sa POGOs dahil sa regulatory fee na sinisingil ng PAGCOR.
Nauna nang nagpahayag ng suporta si Finance Secretary Carlos Dominguez III sa panukala na patawan ng 5% buwis ang POGOs.
“Yes, I haven’t seen the exact proposal, but in general, yes. I think that’s a good idea,” ani Dominguez. CONDE BATAC
Comments are closed.