LANAO DEL NORTE – PATAY ang limang miyembro ng Dawlah Islamiyah nang makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa Sultan Naga Dimaporo.
Mismong ang commander ng Western Mindanao Command, si Army Lt. Gen. William Gonzales, at mga opisyal ng Lanao del Norte Provincial Police Office ang nagkumpirma nitong Huwebes ng pagkasawi ng limang mga kasapi ng Dawlah Islamiya sa naturang insidente, isa sa kanila ang matagal ng wanted na si Uya Dama.
Si Dama ay may kinakaharap na mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, extortion, arson, kidnapping at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa kanyang malawakang pagbebenta ng shabu, nakasalang sa mga korte sa iba’t ibang probinsya at lungsod sa Region 10.
Hahainan sana ng mga warrant of arrest ng mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group-10, ng mgga operatiba ng Lanao del Norte PPO at mga sundalong sakop ng Western Mindanao Command si Dama sa Barangay Bangco sa Sultan Naga Dimaporo ngunit siya at ang kanyang mga kasama ay pumalag kaya nagkaputukan na nagsanhi ng kanyang pagkamatay at ng apat pa niyang mga kasama.
Isang miyembro ng teroristang Dawlah Islamiya ang sugatan sa naturang insidente at may isa pang nasukol ng mga pulis at sundalo, ngayon naka-detine at nakatakdang ng sampahan ng kaukulang mga kaso.
EUNICE CELARIO