5 TESTIGO SA KUDETA NI TRILLANES SUMALANG SA HEARING

SEN-TRILLANES

SUMALANG sa pagdinig kahapon ang limang testigo ng prosekusyon sa kasong kudeta na kinakaharap ni Senador Antonio Trillanes IV sa Makati City Regional Trial Court (RTC).

Nagsimula ang pagdinig sa kaso ni Trillanes sa sala ni Makati Regional Trial Court (RTC) Judge Andres Soriano ng Branch 148 dakong alas-10:00 ng umaga kung saan unang isinalang sa witness stand ni Acting Prosecutor Richard Fadullon si Lt. Col. Joan Andrade, ang hepe ng Discipline Officer ng Department of National Defense (DND).

Pinatunayan ni Andrade sa harap ng korte na wala siyang personal na nalalaman na naghain ng aplikasyon si Senator Antonio Trillanes para makakuha ng amnesty.

Dagdag pa ni Andrade na wala siyang inilabas na certification na nag-apply ng amnesty si Trillanes.

Isinalang din si chief Legal Officer ng DND na si Atty. Norman Daanoy, ang hiningan ng kopya ng mga dokumento ng Department of Justice (DoJ) hinggil sa sinasabing aplikasyon ng amnesty ni Trillanes sa DND.

Pinatunayan din ni Daanoy sa korte na walang rekords ng meetings, deliberation of minutes ng meeting na may kinalaman si Trillanes sa proclamation No. 75 noong Disyembre 2010.

Base sa pagtatanong sa korte ng abogado ni Trillanes na si Atty. Reynaldo Robles kay Daanoy, inamin ng naturang testigo na hindi na niya inisa-isa ang bawat indibidwal na pumirma sa nasabing aplikasyon gayundin ang mga miyembro ng Adhoc committee ng DND.

Ikinatwiran ni Daanoy na nasa loob lamang siya ng departamento dahil noon ay nabuwag na ang adhoc committee nang hiningan siya ng DOJ nitong nakalipas lamang na Setyembre.

Sinang-ayunan din ng ikatlong testigo ng prosekus­yon na si Harlyn Manjares, ang chief ng Administrative Services and Records Division ng DND, na walang record ng application ng amnesty sa kanilang tanggapan ang akusadong si Trillanes.

Sinabi rin ni Robles na maaring nasa ibang departamento ang aplikasyon para sa amnesty pero inamin ng testigo na hindi na niya ito inalam at ikinatwiran na bawat tanggapan ay may mga sariling record custodial.

Pang-apat namang sumalang sa pagdinig ang  clerk of court ng Branch 148 na si Atty. Maria Rhodora Peralta na nagpatunay na wala rin silang pinanghahawakang kopya ng amnestiya maliban lamang sa attached certification ni Trillanes na naging dahilan ng pagkaka-dismiss ng kaso noong si Judge Oscar Pimentel pa ang humahawak sa kasong kudeta ng senador.

Isinalang din ang editor-in-chief ng GMA online na si Mark Maruenias  at sinabi niyang nag-cover siya noon at dumaan sa proseso ng amnestiya sa Camp Aguinaldo si Trillanes ngunit hindi naman inamin ng senador ang kanyang partisipasyon sa kasong kudeta na isinampa laban sa kanya.   MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.