5 TIMBOG SA P1.2-M SHABU

NASAKOTE ng mga awtoridad ang mahigit sa P1.2 milyon halaga ng shabu sa limang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang joyride driver na naaresto sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, ang naaresto ng mga suspek na sina Richard Ching, 41-anyos, joyrider driver; Armando Garcia, 40-anyos, construction worker; Joey Campillanos, 22-anyos, helper; Cerdy Diana, 27-anyos at Romulo Echalas, 46-,anyos, pawang residente ng lungsod.

Batay sa report ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) BGEN Ulysses Cruz, dakong alas-2:15 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni LT Doddie Aguirre ng buy bust operation sa bahay ni Ching sa No. 5 Marton road, Brgy. Canumay East.

Matapos makita ang pre-arranged signal mula pulis na umaktong poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga kay Ching at Garcia ay agad naglapitan ang back-up na mga operatiba saka inaresto ang mga suspek, kasama si Campillanos, Diana at Echalas na nakuhanan din ng shabu.

Ayon kay Cpl Pamela Joy Catalla, nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang humigit-kumulang 180 gramo ng shabu na may standard drug price Php1,224,000.00, P500 marked money, P1,080 recovered money, cellphone at hard pouch.

Kakasuhan ng pulisya ang mga naarestong suspek ng Sections 5 (Sale) and 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Art II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). EVELYN GARCIA