5 TIPS PARA MAGING PROPESYUNAL ANG SETUP NG ONLINE BUSINESS MO

homer nievera

MAGANDANG araw, ka-negosyo! Handang-handa ka na bang sumubok magtayo ng online negosyo mo? O kaya naman ay nandiyan ka na sa larangan na  iyan at nais mong makasiguro sa landas na tinatahak mo. Kaya naman tuloy-tuloy pa rin ang ating pagbibigay ng tips ukol dito o kaya naman ay binubuksan natin ang ibayong kaalaman para rito. Kaya naman narito ang ilang bagay na maaaring makatulong sa pag-organisa ng isang maayos at propesyunal na online business sa pangkalahatan. Tara na at matuto!

#1 Magtayo ng Website

Kung akala mo ay ok na ang pagkakaroon ng Facebook Page, nagkakamali ka. Upang maging propesyunal ang dating ng iyong negosyo, kailangang  magkaroon ng website. Ito kasi ang pinaka-opisina mo na.  Ito ang main address mo sa Internet. Halos lahat kasi maghahanap ng website mo para alam na lehitimo ang negosyomo.Paano magsimula? May  Wix.com na siyang libreng panggawa ng website at drag-and-drop ang konsepto nito. Kayang-kaya ng isang non-professional ito. Kung online e-commerce naman ang negosyo mo, mayroon ding Shopify. ‘Yan ang dalawang popular ngayon kung mabilisang website.Ang payo ko naman ay magsimulang mag- invest sa WordPresswebsite na puwedeng may e-commerce  sa pamamagitan ng Woocommerce. ‘Di ito mahirap gawin kung may kaalaman ka na kahit  papaano. Kung kailangan ninyo  ng gagawa rito, puwede ninyo akong kontakin at may mare-refer akong mga taong gagawa na propesyunal at ‘di mahal.Tandaan na ang kailangan dito ay bukod sa Domain Name (pangalan ng website) at ang hosting na siyang pinaka-lupa kung saan nakatirik ang website mo. Punta ka lang sa GoDaddy.com o kaya’y sa Namecheap.com para rito.Sa hostings, may mga package naman na kasama sa domain name ang naturang sites. Mayroon ding hiwalay gaya ng Blue Host at Dream Host. Sa blogs ko, iba-iba ang hosting nito kasi nga nasa ibang bansa  ang mga mambabasa ko talaga, pati na ang mga manunulat ko kaya dapat stable ang hosting.

#2 Search Engine Optimization o SEO

Kung sa tingin mo ay ok na ang website, may ikagaganda pa ito kung mas madali kang mahahanap ng mga kostumer mo. Gumamit ka ng SEO – o search engine optimization – para gawin ito nang ‘di gagastos sa advertising. Ano ba ang SEO? Ito ang pamamaraan kung saan gagamit ka ng kombinasyon ng mga keywords o key phrases na karaniwang hinahanap o tina-type ng mga target mong kostumer. Kung ang makita nilang resulta sa Google ay may kinalaman sa site mo, sa iyo sila pupunta. Kaya naman sa paggawa ng SEO mo, dapat pag-aralang mabuti. Halos linggo-linggo ang pagsasaayos nito kasi. Ang Google kasi ay nagbabago ng algorithm nila halos tuwing ika-anim na buwan. Ang mga update nila ay nakakapagbago ng ranking ng  keywords. At dahil ito ang mga mas mahalaga, dapat magamay mo ito. Pinaghalong siyensiya at sining ang SEO kasi. Pag-aralan mo ito para makatulong sa pag-angat ng website mo.

#3 Security

Ito ang nadagdag na mahalagang parte ng pag-setup ng online business mo. Dati, hinahayaan lang natin ang ganitong bagay sa ikalawang yugto ng setup. Ngunit dahil sobrang busy ng mga hacker ngayon, ilalagay na natin ito sa top 3 na mahalagang mayroon ka sa online negosyo mo.Sa lahat ng bagay kung saan mayroon kangaccount ay mahalaga ang cybersecurity – mobile, web at social media. Sa mobile, mahalaga ang access sa  bank accounts mo. Tiyak na may mobile banking ka at online wallets (GCash, Paymaya). Simple lang. Huwag magbibigay ng OTP o password kahit kanino, kahit mukhang lehitimo ang tumatawag, nagte-text o nag-email sa iyo. Walang magtatanong ng mga detalyeng ganyan. Sa website naman, mas mainam may security plugins ka na.Tanungin mo ang web developer mo kung ano ang dapat. Gayundin ang mga username at password na dapat pangalagaan. Isama na rin   natin ang access sa emails mo na dapat secured. Inga na rin sa  phishing scams kung saan tatangkain ng mga scammer at hacker na makahingi ng mga username  at password  sa pamamagitan ng pagkopya ng itsura ng bangko mo at iba pa. ‘Pag nag-type ka dun, makukuha na nila ang detalye mo. Tingnan mo lang ang source ng website address at ng email address para malaman kung lehitimo.

#4 Tingnan ang mga Kakumpitensiya

Ang kakumpitensya mo sa iyong ginagalawang  industriya ang magiging basehan mo sa pagsasaayos ng online business mo. Kung ano ang antas na umiiral sa pagiging propesyunal ng pagpapatakbo ng negosyo, ito ang iyong pairalin at higitan pa. Sa ganang akin, naging inspirasyon ko ang Yahoo nung itayo ko ang mga naunang blog ko. Tinarget ko rin ang mga kostumer nila (buong mundo), hanggang sa nagsara na  nga sila at naipagpatuloy ko ang blogs ko (na ngayo’y isang network na). Ngayon, masasabi kong nahigitan ko na ang lawak at ng aking  blogs sa buong mundo (188 na bansa) dahil sa pagtuon ng pansin sa kakumpitensiya  ko noon. Ngayon, patuloy pa rin akong nakatuon sa mga panibagong kakumpitensiya upang lagi akong atubili sa pagpapaangat pa ng aking oline negosyo.

#5 Makinig sa Kostumer

Alam mo ba ang sinasabi at ninanais ng mga kostumer mo? Kung nais mong maglevel-up at maging mas propesyunal ang online business mo, kunin ang customer feedback. Mas mahalaga ito sa panahong ito na tila nag-reset ang buong mundo at nag-iiba na ang lahat dahil sa new normal. Paano malaman ang feedback ng kostumer? Unang una, mayroon kang social media accounts kung saan nag-pm at nag nag-comment sila. Kostumer mo na o  hindi pa, pakinggan ang boses nila. Dito mo malalaman ang mga susunod na hakbang upang mapalago pa ang negosyo mo.

Pagtatapos

Mahirap maging entrepreneur. Marami kang kinakaharap sa araw-araw. Ngunit kung kaya mong i-organisa ang iyong araw, lahat magagawa nang maayos at nasa oras. Focus lang at maging committed  dito.Hanggang sa muli mga ka-negosyo!

oOo

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].

Comments are closed.