MAGANDANG araw, ka-negosyo! Handang-handa ka na bang sumubok magtayo ng online negosyo mo? Gigil ka na bang tumulak sa bagong mundo ng mga entrepreneur? Kung nagtatrabaho ka ngayon at tila duda sa kakayahan mong magnegosyo, tamang-tama ang edisyon ng pitak na ito. Tuloy-tuloy pa rin ang ating pagbibigay ng tips ukol sa pagnenegosyo. Ngunit sa pitak na ito ngayon, aatras muna tayo nang kaunti upang makahabol ang mga bagong salta. Bubuksan natin ang isipan ng mga nais magsimula. O ano, tara na at matuto kung paano magsimulang i-negosyo ang bagay na gustong-gusto mo.
#1 Huwag ka munang mag-resign sa trabaho mo
Kung akala mo ay sasabihin kong mag-resign ka na agad sa trabaho mo ngayon, hindi po! Sa halip, sasabihin kong maging praktikal ka. Tandaan mo na may mga taong umaasa sa iyo ngayon at ‘di mo sila maaaring biguin dahil lamang sa pagnanais na makipagsapalaran sa pagnenegosyo. Marami na akong kilala na tumulak sa pagnenegosyo sa pag-alis sa kanilang trabaho nang hindi pa talaga handa sa pagiging entrepreneur. Ayun, nabigo sila, sumama ang loob, at tuluyan nang ‘di bumalik sa pagsubok sa pagnenegosyo. Ano ang dapat gawin? Gawin ang tinatawag na extra mile para sa pagsisimula mo. Noong ako’y nagsiumulang magtrabaho, napunta ako sa pagbebenta ng mga magazine subscription at mga libro. ‘Yun ang una kong naging trabaho – sa sales! Kahit noong mga panahong iyon, nais ko nang magnegosyo. Ngunit alam ko rin na ‘di pa sapat ang kaalaman at ekspiryensiya ko. Ang pinakamalapit sa pagnenegosyong nagawa ko ay ang pagtayo ng maliit na canteen sa isang kompanya ng bus sa Pasay. Kasama ko noon ang girlfriend ko (na asawa ko na ngayon). Tuwing tanghali, pupunta ako sa canteen namin upang tumulong. Pagkatapos nun, babalik ako sa pagbebenta. Natuto tuloy ako kung paano makipagsalamuha sa iba’t ibang tao at sa paggawa ng lahat ng bagay sa pagka-canteen. Mula sa pagsandok ng kanin, pagluluto, pagkakahera, at pati na rin pagliligpit, paghuhugas at paglilinis. Lahat ‘yun ginawa ko.
#2 Gawin ang mga bagay ng “Baby Steps”
Noong nagka-canteen kami, naging tila sideline ko ‘yun. ‘Yung mga nakuha kong komisyon ay ginamit kong dagdag puhunan sa canteen namin. Habang ginagawa ko ‘yun, naisip kong gawing tila isang negosyo na rin ang pagbebenta ko ng mga magazine subscription at mga libro sa iba’t ibang opisina. Naisip ko na maaari ko rin sigurong gawing negosyo ang ginagawa kong trabaho. Sa totoo lang, may mga naging kasamahan ako noon na ganun nga ang ginawa. Dahil dun, nagsimula akong magplano at saliksikin ang industriya ng pagbebenta ng magasin. ‘Yun tila ang naging “baby steps” ko. Unti-unting lakad lang tungo sa nais marating na negosyo. Kasi nga, kahit nung high school pa lang ako, ‘yung pagbebenta ng magasin ang ginagawa ko. Naging full-time na trabaho ko noong mga panahong iyon, at naisip na baka ‘yun din ang maging negosyo ko. Nagsubok akong maghanap ng mga supplier ng mga magazine at libro. Nalaman kong galling pala sa abroad ang halos lahat ng mga babasahin, at malaking kapital din pala ang ilalabas ko upang makapagnegosyo nun.
#3 Alamin ang puwede mong i-offer
Dahil na rin sa alam ko sa puso ko na media ang magiging negosyo ko, nagsaliksik pa rin ako sa mas malaking mundo na ginagalawan ko noon. Mula magasin, inalam ko ang mundo ng telebisyon, radio at diyaryo. Nalaman kong ang puwede ko pa lang mai-offer ay mas malawak pa kaysa sa mga subscription lamang ng mga magasin. Puwede rin palang kumita nang mas malaki mula sa pagbenta ng patalastas o advertising. Ano’ng ginawa ko? Ayun, nag- resign ako sa kompanya na nagbebenta ng subscriptions, iyon ay kahit pa naging sliver medalist ako sa pagkakaroon ng ikalawa sa pinakamalaking benta sa unang taon ko pa lang sa sales. Saan naman ako pumunta? Nag- apply ako sa pinakasikat at pinakamalaking ad agency noon sa Filipinas. Nagdesisyon akong pumasok sa media department upang matutunan ko ang lahat ng patungkol sa larangang napili kong i-offer.
#4 Matuto ka sa ibang tao
Ang posisyong ibinibigay sa akin noon ay bilang Account Manager. Tinanggihan ko iyon at sa halip ay sinabi kong sa media ang gusto kong departamento. Kahit pa mas mababa ang posisyong bukas noong panahong iyon, kinuha ko pa rin. Sabi ko, nais kong matutunan ang lahat ng maaaring matutunan ukol doon. Ganoon na nga ang nangyari. Ang pinakamagagaling na mga tao sa industriya at departamentong iyon ang mga naging boss at mentor ko. Sa totoo lang, hanggang ngayon, ang isa sa mga naging boss ko noon ay naging ninong ng panganay ko at sa isang banda ng career ko, naging isa sa mga manager ko pa nga siya sa Amerika. Ngunit ang taong ito ay itinuturing kong naging mentor ko sa larangan ng industriya ng media.
#5 Mag-pitch, mag-hustle, magbenta!
Fast-forward tayo ng isang dekada simula nang ako’y na-empleyo sa ad agency at sa media department, nabalik ako sa mundo ng magasin. Naging Country Sales manager na ako noon ng isa sa pinakamalaking magasin sa buong Asia. Ang hawak ko na noon ay ang pagbebenta ng advertising at subscriptions para sa magasin na tinutukoy ko. Naging boss na ako noon, ngunit pinapangarap ko pa ring magkanegosyo ukol sa larangan ng media.‘Di ako tumigil. Na-master ko ang sales – o pagbebenta. Kasama na rito ang pag-pitch o pagprisinta ng mga nilalako ng aming kompanya. Ang bonus dito ay nanggaling sa boss kong Briton. Inoferan niya ako ng isang deal kung saan sa halip na suweldo at komisyon, binigyan niya ako ng pagkakataong mag-negosyo sa loob ng sariling kompanya.Paano? Sabi niya, bibigyan niya ako ng tripleng halaga ng komisyon kung sa halip na tumanggap ako ng suweldo ay tatangap lang ako ng tinmatawag na “advance on commissions”. Ibig sabihin, kahit magkano ang puwede kong tanggapin buwan-buwan basta naaayon sa kikitain kong komisyon sa isang taon, at hahatiin ko sa 12 buwan.Ang nangyari, sobrang laki ng kinita ko noon! Nagkaroon ako ng motibasyong magbenta nang magbenta na ang ginagawa ko na pala noon ay tila negosyo ko na at ‘di ordinaryong pagtatrabaho!
Pagtatapos
Ngayon, sa larangan ng online publishing ang negosyo ko. Nakabase ang aking mga blogsa iba’t ibang bansa dahil taga-iba’t ibang bansa rin ang aking mga mambabasa. Sa Amerika ang mga pangunahing blogs ko at ang iba ay nasa Europe, Australia, Middle East at India. Gayundin ang lokasyon ng mga nagsusulat para sa akin. Nakamit ko rin ang naiplano ko nang mahabang panahon. Mahirap maging entrepreneur. Marami kang kinakaharap sa araw-araw. Ngunit kung kaya mong i-organisa ang iyong pag-iisip at mga desisyon ukol sa iisang layunin, magtatagumpay ka rin.
Tandaan na sa lahat ng bagay, sipag, tiyaga at pagdarasal ang mahalaga. Hanggang sa muli mga ka-negosyo!
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected]
Comments are closed.