5 TONELADANG REPOLYO IBABAGSAK SA MERKADO

repolyo

SA gitna ng pabagsak na bentahan ng ibat ibang gulay partikular ang repolyo sa bahagi ng Benguet province, plano ng Department of Agriculture-Cordillera Administrative Region (DA-CAR) na magbenta ng tinatayang 5 metric tons ng repolyo sa Metro Manila at iba pang probinsiya ng Luzon.

Ayon kay DA-CAR OIC Director Cameron Odsey, bunsod ito ng sobrang supply ng Chinese cabbage ngayong ikalawang linggo ng Agosto kung saan pumalo sa P8.00 hanggang P20.00 kada kilo kumpara sa average production nitong nagkakahalaga ng P8.60 kada kilo.

Aniya, upang maiwasan ang patuloy na pagbagsak ng bentahan sa presyo ng repolyo, kanilang pinaigting ang  Kadiwa marketing activities kung saan target nitong makapag-deliver ng 5,000 kilogram ng repolyo sa Metro Manila at iba pang palengke sa  Luzon hanggang Setyembre sa pakikipagtulungan ng 5 samahan ng mga magsasaka.

Nabatid na nito lamang Biyernes binili ng DA-CAR ang halos 4.5 tonenada ng repolyo para  matulungan ang mga magsasaka.

Sinabi pa ng opisyal na sa kanilang pagmo-monitor, nitong unang semester naging maganda ang bentahan ng gulay  na mababa sa P10.53/kg nitong Enero at umangat sa P53.33/kg nitong Hunyo.

Idinagdag pa ng opisyal na pag-iibayuhin ng DA-CAR ang iba pang Kadiwa platforms gaya ng Kadiwa on Wheels at Kadiwa Retail Stores na naglalayong makabenta ng hanggang 4,200 kilograms kada linggo ng produktong repolyo at iba pang gulay sa merkado.

“The DA continues to implement its mandate under the Plant, Plant, Plant Program under the leadership of Secretary William Dar to ensure food production, accessibility, affordability, and availability, ” wika ni Odsey. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.