KALABOSO ang limang hinihinalang tulak ng illegal na droga, kabilang ang isang tattoo artist matapos makumpiskahan ng mahigit P.4 milyon halaga ng shabu sa magkakahiwalay na buy bust operation sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, dakong ala-1:50 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Major Deo Cabildo ng buy bust operation sa Kaagapay Road, Brgy., 188, Tala na nagresulta sa pagkakaaresto kay Tricia Janina Bala, 23-anyos ng Phase 12 Riverside, Brgy. 188.
Nakuha kay Bala ang tinatayang nasa 30 gramo ng shabu na nasa P204, 000.00 ang halaga, gray sling bag, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8 pirasong P1,000 boodle money.
Dakong ala-5:10 ng madaling araw nang madakma rin ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Florencia St. Brgy. 71 sina Elian Argote, 32-anyos at Maciste Dulap, 34-anyos, kapwa ng BMBA Compd, Brgy. 120.
Narekober sa kanila ang nasa 15 gramo ng shabu na may standard drug price P102,000.00, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money.
Sa Brgy. 70, nadakma naman ng mga operatiba ng DDEU-NPD sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt. Col. Renato Castillo sa buy bust operation sa harap ng Apartment No. 3D Palon Street alas-4 ng madaling araw sina Jinalyn Quirimit alyas “Jheng”, 33-anyos ng No. 3D Palon St., at Michael Angelo Sta Rita, 26-anyos, Tattoo artist ng Pakiusap St., 2nd Avenue.
Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang nasa 15 gramo ng shabu na nasa P102,000.00 ang halaga, buy bust money na isang tunay na P500 bill at dalawang pirasong P1,000 boodle money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES