LIMANG Vietnamese ang nadakip sa isang entrapment operation ng mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Makati City Police Station (CPS) na nangikil sa kanilang kababayang biktima nitong Martes.
Sa report ng Makati City police sa Southern Police District (SPD) kinilala ang mga suspek na sina Thai Huy Tuan, 28-anyos; Phan Huu Dat, 25-anyos; Nguyen Ly Huynh, 30-anyos; Phan Van Thanh, 28-anyos, kapwa mga empleyado ng Jinzhou Technologies; at Tran Trung Tuyen, 34-anyos, empleyado ng PBCOM Tower.
Sa imbestigasyon ng Makati City police, inilatag ang entrapment operation dakong ala-1:30 ng madaling araw ng Disyembre 27 sa kahabaan ng Leviste Street, Salcedo Village, Barangay Bel-Air Makati City.
Napag-alaman na nagreklamo ang biktima na nakilalang si Do Mahn Tuan nitong Disyembre 26 sa opisina ng Makati police IDMS upang isumbong ang ginawang pagkidnap sa kanya ng mga suspek nitong Disyembre 22 sa loob ng VIP Room ng Yakale Restaurant na matatagpuan sa Yakal St., Brgy. San Antonio, Makati City at napakawalan lamang matapos ang tatlong oras nang magbayad siya ng halagang P250,000.
Hindi pa natapos doon ang kuwento ng biktima dahil nito lamang Disyembre 26 ay nakatanggap na naman siya ng tawag at mensahe sa text galing sa mga suspek na nanghihingi na naman sa kanya ng halagang P100,000 kasabay ng pababanta na kapag hindi niya naibigay ang naturang halaga ay pati ang kanyang pamilya ay kikidnapin ng mga ito.
Dahil dito, agad na naglatag ng entrapment operation ang mga tauhan ng SIDMS sa Island Plaza na matatapuan naman sa Leviste St., Brgy. Bel-Air, Makati.
Nagtungo ang biktima habang nakabuntot ang mga tauhan ng IDMS na nakasakay naman sa isang pribadong sasakyan habang nakaback-up ang mobile car K-02 sa hindi kalayuang distansya.
Makaraang tanggapin ng mga suspek ang pera ng entrapment ay agad nadinakma ng mga miyembro ng IDMS ang mga ito kung saan narekober ang entrapment money at dalawang butchers knife sa posesyon ni Thai Huy Tuan.
Nahaharap sa kasong robbery/extortion ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa Makati CPS detention facility. MARIVIC FERNANDEZ