RABAT – LIMANG taong pagkakulong ang ipinataw ng Abu Dhabi court sa Moroccan employer bunsod ng pagkapaslang nito sa kanyang Filipino domestic helper, ayon sa Migrante International.
Inakusahan ng mga anak ng biktimang si Mary Jean Alberto, 44-anyos, ang female employer ng kanilang ina batay sa huling message nito.
Si Alberto ay namatay noong Oktubre 2, 2019 makaraang mahulog sa 13th floor ng kanilang tinitirhan.
Ilang oras bago mamatay, nakapagpadala pa ng text message si Alberto sa kanyang anak na si Rohjean at sa kapatid nito na si Marie na parehong nagtatrabaho sa Abu Dhabi at nagpapasaklolo ito laban sa kanyang amo.
“Te puntahan niyo na ko ni Jeng-Jeng dito. Muntik na akong sakalin ni madam. Pinagbibintangan niya na ako kay Hamood,” bahagi ng text message ni Jean.
Gayunman, itinanggi ng Moroccan employer ang paratang at iginiit na nag-suicide si Jean.
Dagdag pa ng mga kaanak ni Alberto na dumanas ng abuso at maltrato ang bitkima mula sa kanyang amo habang hindi rin tinanggap ang pahayag na nagpakamatay ito. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM