50 CHINESE VESSELS ANG NAMATAAN SA WEST PHILIPPINE SEA

NITONG mga nagdaang araw matapos ang panibagong harassment sa mga tauhan ng pamahalaan sa West Philippine Sea, namataan ang may 50 Chinese vessels sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Sa ginawang monitoring ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mayroong pitong China Coast Guard, 18 Chinese maritime militia vessels, 29 na maliliit na Chinese fishing boats ang kanilang namataan sa mga isla at features na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Kinumpirma ni AFP Spokesperson Col. Margareth Francel Padilla, ang mga ito ay namataan sa Bajo de Masinloc shoal, Ayungin Shoal, Pag Asa Island, at Panatag Island.

Samantala, bukod dito ay iniulat din ni Padilla na tuloy pa rin ang pagsasagawa ng AFP ng rotation and resupply mission sa lahat ng features sa Western section ng EEZ ng ating bansa.

Kasalukuyang pinaghahandaan ng AFP ang isasagawang RORE mission sa Pag Asa, Kota, Panatag, at Parola shoal anumang araw sa susunod na buwan.

Kaugnay nito, inihayag ng China na walang silang hidwaan ng Pilipinas patungkol sa mga sinasabing pinag-aagawang teritoryo dahil hindi umano ito kailangang pagtalunan dahil sila ang may “indisputable sovereignty” sa mga isla na pinagtatalunang karagatan.

Ito ang naging pahayag ng China bilang tugon sa desisyon ng gobyerno ng Pilipinas na hindi ikonsidera ang concept paper na isinumite nito kaugnay sa maritime dispute.

Ayon kay Wang Wenbin, tagapagsalita ng Foreign ministry ng China handa ang China na ipagpatuloy ang maayos na pamamahala sa mga pagkakaiba nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng diyalogo at konsultasyon.

Una nang sinabi ng Philippine Foreign ministry nitong Martes na nakatanggap sila mula sa China ng ilang concept papers kaugnay sa iba’t ibang panukalang may kinalaman sa maritime dispute sa West Philippine Sea ngunit hindi kinokonsidera ang ilan sa mga ito dahil labag sa pambansang interes ng bansa sa Southeast Asia.

Isa sa mga panukala mula sa China ay ang paggiit nito ng mga aksyon ng pagsang-ayon o pagkilala sa kontrol at pangangasiwa ng China sa Second Thomas Shoal o Ayungin shoal dahil ang teritoryo nito ay hindi maaaring ikonsidera ng Pilipinas nang hindi nilalabag ang Konstitusyon ng Pilipinas o international law.

Una rito, sinabi ng DFA sa isang statement na nagulat ito sa pagsisiwalat ng China ng mga sensitibong detalye hinggil sa kanilang mga bilateral talks at binigyang diin na kanilang tinutugunan ang naturang mga confidential negotiations nang may buong sinseridad. VERLIN RUIZ