50 DATING FVEs SUMUKO SA GOBYERNO

SULTAN KUDARAT- INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ng may 50 former violent extremists (FVEs) members ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigang ito kamakailan.

Ito ay sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

“The government under President Ferdinand R. Marcos, Jr. remains committed in its peace and order initiatives,” ayon kay Abalos.

Kaugnay nito, tiniyak ni Abalos sa mga FVEs na patuloy silang tutulungan ng pamahalaan sa kanilang integration process.

Aniya, ang lahat ng 50 FVE surrenderers matapos ang proper documentation ay maaari nang tumanggap ng suporta mula sa pamahalaan sa ilalim ng E-CLIP initiative.

Idinagdag pa nito, ang DILG field office sa Sultan Kudarat ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa local government unit (LGU) upang matiyak na ang naturang FVEs ay mapagkakalooban ng kaukulang suporta sa kanilang paglahok muli sa lipunan.

Sinabi ng DILG chief na sa paglutang muli at pagbabalik-loob sa gobyerno, magiging produktibong mamamayan na ng lipunan ang FVEs gayundin ang mga dating rebelde at militia members na nagpasya na ring magsuko ng kanilang mga armas.

Ilan sa mga pakinabang o assistance na maaari nilang makuha mula sa E-CLIP ay livelihood, education, housing, medical assistance; monetary remuneration para sa bawat armas na kanilang isusuko at iba pang social services.

Nabatid na simula Hulyo 2022 lamang, umaabot na sa 611 na dating rebelde at kanilang pamilya ang nakinabang sa E-CLIP initiative at napagkalooban ng kabuuang P45.79-milyong financial at livelihood assistance ng pamahalaan. EVELYN GARCIA