50 DESKTOP COMPUTER TINANGGAP NG DEPED

Pormal na tumanggap ang Department of Education (DepEd) MIMAROPA Regional Office ng 50 desktop computer na donasyon ng isang education partner noong Miyerkoles upang matiyak na ang mga mag-aaral ay maaaring kumuha ng online international assessments sa hinaharap.

Sinaksihan ito ni Education Secretary Sonny Angara at Assistant Secretary for Operations Malcolm Garma.

Ayon kay DepEd MIMAROPA Director Nicolas Capulong,  ang donasyon ay parang “kaloob ng langit”.

Binigyang-diin din ni Dr. Capulong na ang mga computer unit na ibinibigay sa kanilang rehiyon ay magiging mahalaga sa pag­hahanda ng kanilang mga paaralan para sa online international assessments, kabilang ang paparating na Program for International Student Assessment (PISA) sa susunod na taon.

Bukod dito, nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Secretary Angara kay Pilipinas Today CEO Renesar Deunida, na nag-donate ng mga computer units sa DepEd MIMAROPA.

Si G. Deunida, isa ring ipinagmamalaking produkto ng sistema ng pampublikong paaralan, ay nangako rin na mamigay ng isa pang 50 unit sa susunod na buwan.

Sa mahigit dalawang dekada ng karanasan sa larangan ng teknolohiya, nagsilbi si G. Deunida bilang espesyalista sa Information Technology para sa United Nations, HSBC, at World Health Organization (WHO).

Elma Morales