INAPRUBAHAN ng dalawang komite sa Kamara ang consolidated bill na naglalayong magkaroon ng bagong Passport Law ang bansa kung saan nakapaloob ang probisyon na gagawing 50 porsiyento ang diskuwentong ibibigay sa senior citizens and persons with disabilities (PWDs) sa pagkuha ng pasaporte.
Ito ang ipinabatid ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, may akda ng House Bill no. 6399, na nagsusulong para palitan na ang Republic Act No. 9239 o ang Philippine Passport Act of 1996.
“The existing law has to be updated because since the statute’s enactment 24 years ago, Congress has passed at least three laws affecting the right to travel. And to enhance and protect the right to travel, only minimum requirements for the application and issuance of passports and other travel documents shall be imposed, and such issuance shall be expedited,” paliwanag ng Cagayan de Oro City lawmaker.
Ayon kay Rodriguez, sa ilalim ng panukalang batas, na inaprubahan ng House Committees on Foreign Affairs at Ways and Means, itinatakda ang minimum requirements sa pag-apply ng Philippine passport, gayundin ang batayan at proseso sa pagpapawalang-bisa o apela rito at ang uri ng pasaporte na maaaring iisyu, validity at kung sino ang maaaring magkaroon nito.
Kabilang sa probisyon ang pagtataas sa 50 percent mula sa kasalukuyang 32 percent discount na ibinibigay sa senior citizens at PWDs sa pagkuha ng bago o renewal ng kanilang passporte.
Gayundin ang pagbibigay ng awtorisasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magpataw ng service fee, na ang halaga ay hindi hihigit sa 50 percent ng kasalukuyang sinisingil nito.
“The service fees would constitute the Passport Revolving Fund, which may be utilized by the DFA to improve its passporting and consular services,” sabi ni Rodriguez.
Itinatakda rin ng panukalang batas ang pagpapataw ng parusang pagkabilanggo ng tatlong taon hanggang 15 taon at multa na P15,000 hanggang P2 mlyon sa sinumang lalabag sa itinatakda nito.
Ang ‘illegal withholding of a passport’ ay mayroon namang kaparusahan na anim hanggang 12 taon kulong at multa na P1 milyon hanggang P2 milyon.
“In addition to such penalties, if the offender is a public officer, he shall be dismissed from the service and be perpetually banned from holding public office,” dagdag pa ni Rodriguez.
Comments are closed.