50 GURO TUMULONG SA PAMAMAHAGI NG CASH AID

Imelda Aguilar

LIMAMPUNG  guro ng Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College (DFCAMC) sa Las Pinas City ang tumulong sa lokal na pamahalaan sa distribusyon ng P8,000 cash aid sa 67,738 benipisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa lungsod.

Sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar na malaking bagay ang ginawang tulong na ipinagkaloob ng 50 guro ng DFCAMC sa City Social Welfare and Development (CSWD) upang mapabilis ang distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga kwalipikadong benipisyaryo sa lungsod.

Ayon kay Aguilar, ang pagtatalaga ng lokal na pamahalaan sa 50 guro upang tumulong sa distribusyon ng SAP ay nag-ugat makaraang abisuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-NCR ang lahat ng local government units (LGUs) na tapusin ang pamamahagi ng ayuda hanggang itong linggong ito.

Sa panayam sa hepe ng CSWD na si Junet Barilla, sinabi nito na sa kasalukuyan ay mayroon ng 5,000 benipisyaryo ang nakatanggap na ng ayudang P8,000 cash aid mula sa SAP ng gobyerno kung saan nakumpleto na nila ang pamamahagi nito sa Barangay Ilaya.

Sinabi ni Barilla na tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi o distribusyon ng cash aid sa mga kwalipikadong benipisyaryo sa mga barangay sa Distrito I na kinabibilangan ng Barangay Manuyo Uno at Manuyo Dos, E. Aldana, CAA, Pulanglupa Uno at Barangay Zapote.

Pahayag ni Barilla na isusunod naman ang distribusyon sa mga barangay sa Distrito II na kinabibilagan ng Barangay Almanza Uno at Pamplona Dos, Pilar, Talon Dos, Talon Tres, Talon Kuatro at Talon Singko.

Dagdag pa ni Barilla, kanilang tatapusin itong linggo na ito ang pamamahagi ng cash aid kahit na abutin pa sila sa pamimigay nito sa araw ng Sabado o Linggo.

Kung saka-sakali man na hindi pa rin nila matatapos ang pamamahagi hanggang sa linggong ito, sinabi ni Barilla na mayroon na silang nakahandang sulat na umaapela sa DSWD-NCR na bigyan pa sila ng palugit upang matapos ang pamamahagi nito hanggang sa unang linggo ng Mayo. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.