(50 litro kada empleyado) KONSUMO NG TUBIG SA GOV’T AGENCIES TATAKALIN

NAGLABAS ng alituntunin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Water Resources Management Office (WRMO) para sa epektibong pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig.

Alinsunod sa Memorandum Circular (MC) No. 22 na inilabas ng Malakanyang na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Biyernes, Hunyo 7 para ito sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno at mga tauhan.

Tiniyak ng DENR na kanilang imo-monitor kung nakakasunod ang mga ahensiya sa pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig bilang bahagi ng pagsisikap na maiwasan ang krisis sa tubig sa gitna ng nagbabantang El Niño phenomenon.

At para matiyak ay tatakalin ang magagamit araw-araw.

Magugunitang mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagbigay ng direktiba sa pagtitipid ng tubig.

Ang magiging papel ng WRMO ay subaybayan ang progreso sa pagtugon ng lahat ng ahensiya tungo sa pagtitipid ng tubig sa pamamagitan ng pagsusuri ng kanilang buwanang singil sa tubig na layong bawasan ang kanilang konsumo ng 10 porsyento.

Pangunahing mandato ng WRMO na tiyakin ang pagkakaroon at napapanatiling pamamahala ng mga yamang tubig sa bansa.

Nakasaad na ang lahat ng ahensiya ay dapat magkaroon ng hiwalay na metro ng tubig para regular nilang suriin kung gumagana nang maayos ang mga metro at maaari silang makipag-ugnayan sa kanilang tagapagbigay ng serbisyo ng tubig kung kailangang maglagay ng sub-meter.

Inirerekomenda rin ng WRMO ang pagsasara ng mga pangunahing balbula (valve) ng gusali mula alas-7 ng gabi o pagkatapos na ganap na umalis ang mga empleyado sa opisina hanggang ala-6 ng umaga kinabukasan.

Bilang gabay, ang bawat empleyado ay hindi dapat kumonsumo ng higit sa 50 litro ng tubig kada araw sa mga gusali ng opisina (isaalang-alang din ang bilang ng mga bisita para sa mga frontline na ahensya) at hindi hihigit sa 180 litro kada araw sa mga kabahayan/condominium at 24/7 na opisina. PAULA ANTOLIN