INAASAHAN ng Department of Health (DOH) na sa pagtatapos ng buwan ng Marso ay unti-unti nang bababa ang naitatala nilang mga kaso ng tigdas sa bansa.
Inamin naman ni DOH Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo na sa kasalukuyan ay may mga naitatala pa rin silang tinatamaan ng sakit.
Gayunman, dahil mas marami ng kabataang nabakunahan ay tiyak aniyang unti-unti nang mababawasan ang mga nabibiktima ng sakit sa mga susunod na araw.
Ibinalita rin niya na sa ngayon ay halos naabot na nila ang kalahati o 50 porsiyento ng 3.7 milyong kabataan na target nilang mabakunahan laban sa tigdas.
Paiigtingin pa aniya nila ang kanilang immunization drive sa mga liblib at malalayong lugar at nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Po-lice (PNP) para maisagawa ito.
Batay sa datos ng DOH, mula Enero 1 hanggang Marso 2, ay nakapagtala na sila ng 16,349 measles cases sa bansa at 261 sa kanila ang kumpirma-dong nasawi.
Inaasahan namang maglalabas nang muli ang DOH ng bagong datos ng sakit anumang araw mula ngayon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.