50% NG WORKING PINOY KOMPORTABLENG BUMALIK SA KANILANG TRABAHO 

TRABAHO-12

TINATAYANG nasa kalahati ng kabuuang bilang ng mga Filipinong nagtatrabaho ang nagsasabing sa kanilang pakiramdam ay komportable ng bumalik sa kanilang mga work place sakaling alisin  ang ipinatutupad na pandemic lockdown bunsod ng coronavirus.

May 1,550 kataong nasa legal age ang sumailalim sa SWS survey nitong Hulyo  3 hanggang Hulyo 6, 2020 at  47 porsiyento nito ay may trabaho habang 53 porsiyento naman ay hind nagtatrabaho o hindi pa nakaranas na mamasukan.

Sa hanay ng 55 ba­hagdan na may trabaho ang nagsasabing komportable ang kanilang pakiramdam kaugnay sa pagbabalik nila sa kani-kanilang mga pinapasukan sakaling alisin na ang ipinatutupad na community quarantine sa susunod na buwan gaya ng kanilang ginagawa bago pa magkaroon ng pandemiya, ayon sa SWS.

Nakapagtala ang Mindanao sa bilang ng mga working adults na nagsasabing “they feel comfortable going back to the workplace” kung saan umaabot ito sa  64 porsiyento, sinundan ng  Luzon sa mga lugar na nasa labas ng Kalakhang Maynila na nasa 55 porsiyento habang pinakamababa naman ang Visayas na umabot lamang sa  50 porsiyento at sa Metro Manila na siyang sentro ng coronavirus outbreak ay nasa 45 porsiyento.

Ang Metro Manila ang may pinakamataas na  COVID-19 tally sa lahat ng rehiyon kung saan nasa 48,389 cases ang naitala sa kabuuang 89,374 COVID-19 positive.

Lumilitaw rin sa pag-aaral na mas tiwala at mas malakas ang loob ng mga kalalakihan dahil sa naitalang 60 porsiyento  sa kabuuang bilang ng mga lalaking sumailalim sa pag-aaral ang nagsasabing komportable sila  habang 47 porsiyento lamaang sa kabuuang bilang ng mga kababaihang na-survey ang nagsasabing komportable silang bumalik sa kanilang mga pinagtatrabahuan. VERLIN RUIZ

Comments are closed.