NAKAUWI na ang nasa 50 Pinoy sa tulong na rin ng embahada ng Pilipinas sa Bahrain.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nitong Enero 30 ay umalis ang naturang mga Pinoy sa Manama at dumating sa bansa noong Lunes na pawang sakay ng Gulf Air flight GF154.
Nabatid na ang 50 Pinoy ang unang batch na nakauwi ng Pilipinas makaraang ilunsad ng DFA ang Embassy’s Repatriation Program para sa taong 2022. Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga buntis, overstaying, deportee, medical patient, menor de edad, at ward mula sa Embassy Shelter.
Sa tulong na rin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Bahrain, sa pakikipag-ugnayan sa OWWA Manila main office, ay inihahanda na ang quarantine facilities para sa 50 Pinoy na nakauwi na ng bansa.
Ang pag-uwi ng 50 Pinoy ay sa koordinasyon na rin ng Bahrain’s Ministry of Interior, partikular ng National, Passport and Residence Affairs at mga opisyal ng immigration.
Patuloy ang ibinibigay na tulong ng embahada sa mga Pinoy na stranded sa Bahrain kaugnay pa rin ng COVID-19 response program ng pamahalaan.
Para sa iba pang impormasyon maaaring bumisita sa https://www.manamape.dfa.gov.phor https://www.facebook.com/PHLinBahrain. LIZA SORIANO