50 PTS NI BOOKER IBINASURA NG WIZARDS

BOOKER

ISANG three-point play ni Thomas Bryant, may 2.8 segundo ang nalalabi, ang nag-angat sa bumibisitang Washington Wizards sa 124-121 panalo laban sa Phoenix noong Miyerkoles upang mabasura ang 50 points na kinamada ni Devin Booker ng Suns.

Paubos na ang oras sa larong tabla ang talaan, nag-drive si Bradley Beal sa  baseline at pinalobo ang alley-oop pass kay Bryant, na naibuslo ito at di-nagdagan ng isang free throw.

Si Booker, umiskor ng 59 points sa Utah noong Lunes, ay naging unang player sa kasaysayan ng Suns na tumipa ng 50 points o higit pa sa magkasunod na laro. Ang 22-anyos ang pina­kabata sa kasaysayan ng NBA na nakagawa nito.

Nagbuhos si Jabari Parker ng 28 points at career-high 15 rebounds para sa  Washington, na natalo ng limang sunod, habang nagdagdag si Beal ng 28 points. Nag-ambag si reserve Jordan McRae ng 21 points, at tumapos si Bryant na may 18 points at career-high 19 rebounds.

THUNDER 107, PACERS 99

Tumirada si Paul George ng 31 points at muling humataw si Russell Westbrook ng triple-double upang pangunahan ang Oklahoma City laban sa bumibisitang Indiana.

Tumapos si Westbrook na may 17 points, 11 rebounds at 12 assists. Umiskor si Steven Adams ng 25 points at humugot ng 12 rebounds para sa Thunder, ang kanyang highest-scoring game magmula noong Dis. 14.

Nanguna si Bojan Bogdanovic para sa Pacers na may 28 points.

WARRIORS 118, GRIZZLIES 103

Kinailangan ng Golden State ng late surge at tig-28 points mula kina Stephen Curry at Kevin Durant upang igupo ang host Memphis.

Naisalpak ni Curry ang anim na 3-pointers at nagmintis si Durant sa isang tira lamang para sa Warriors, na umangat ng kalahating laro sa Denver sa karera para sa top seed sa Western Conference.

Sa iba pang laro ay pinaso ng Trail Blazers ang Bulls, 118-98, at pinadapa ng Jazz ang Lakers, 115- 100.