IKINATUWA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbabalik-loob sa pamahalaan ng may 50 dating komunistang rebelde sa Region 10.
Mismong si DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang nanguna sa oath of allegiance ng may 50 dating combatants mula sa New People’s Army (NPA) at Militia ng Bayan (MB), kung saan nanumpa sila na kakalas na sa communist armed rebellion, mamumuhay ng mapayapa at magiging mga produktibong mga Pinoy.
“Tandaan ninyo, sa mga sumuko sa gobyerno, we will make sure na hindi kayo magsisisi. Mahal na mahal namin kayo. Ngayong sumuko na kayo, ang pinaka-importante ay hindi ang pag-surrender ng baril. Ang pinaka-importante ay ito: sa mga susunod na araw ay maaalalayan sila [former rebels] ng gobyerno. Hindi ninyo kailangan ilagay ang batas sa inyong kamay,” ayon pa kay Abalos.
Nabatid rin na ang mga naturang dating komunistang rebelde ay nakatanggap ng kabuuang P13.8 milyong halaga ng tulong at firearm remuneration mula sa pamahalaan, sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) nito.
Mayroon ding kabuuang 183 surrendered firearms ang na-demilitarized sa naturang seremonya.
Sa mga isinukong mga armas, 160 ang mula sa Bukidnon Province, lima ang mula sa Lanao del Norte, anim ang mula sa Misamis Oriental at 12 ang mula sa Cagayan de Oro City.
“Sa pamumuno ng ating Pangulong Bongbong Marcos, mayroon kayong gobyernong hindi lamang nakikinig sa inyong problema, kundi gumagawa din ng aksyon. At kung magkakasama tayo sa pag-papatupad ng mga programang ito, hindi tayo magkakamali,” ayon pa kay Abalos.
Anang DILG, ang mga kuwalipikadong E-CLIP beneficiaries ay makakatanggap ng cash assistance kabilang ang P50,000 livelihood assistance; P15,000 para sa mobilization expenses; at firearms remuneration na katumbas ng halaga ng mga isinuko nilang mga armas.
Layunin ng E-CLIP na bigyan ng insentibo ang mga komunistang rebelde na sumuko at matulungan silang makabalik sa kanayunan, bilang bahagi ng anti-insurgency at terrorism campaign ng pamahalaan.
Matatandaang kamakailan lamang, may 100 miyembro at supporters ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko na rin sa pamahalaan, sa ilalim ng naturang programa. EVELYN GARCIA