50 STALLS BINAKBAK SA QUIAPO

Stall

UPANG tuluyang malinis ang lungsod at sa paparating na Simbang Gabi, sunod sunod na clearing ope­rations ang isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) katuwang ang Department of Public Service (DPS) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kung saan samu’t saring illegal vendors at mga obstruction sa mga bangketa ang winalis sa Quiapo, Manila.

Ang naturang operasyon ay kasunod ng utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso habang nanguna sa clearing operasyon si MPD-Station 3 (Quiapo) Station Commander P/Lt.Col. Reynaldo Magdaluyo sa buong paligid ng Quiapo Church bilang paghahanda na rin sa darating na Simbang Gabi ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sinuyod ng grupo nila Magdaluyo katuwang ang MTPB at DPS ang kalye ng Carriedo, Rizal Avenue, CM Recto, Quezon Avenue, Raon, Evangelista St., at Quiapo.

Umabot naman sa halos 50 stalls ng mga vendor ang hinakot ng mga tauhan ng DPS makaraang hindi umano sila sumunod sa itinakdang sukat ng kanilang puwesto.

Nasa sampung motorsiklo naman ang sinampolan ng MTPB dahil sa maling pagkakaparada habang nasa tatlong driver ng truck ang tinikitan dahil sa pagkakahambalang nila sa kalye.

Tiniyak naman ni Magdaluyo na tuloy-tuloy ang kanilang gaga­wing paglilinis sa lugar na kaniyang nasasakupan bilang tugon sa panawagan ni Mayor Isko na ibalik ng tao ang kalsada at panatilihing malinis ang lungsod ng Maynila. PAUL ROLDAN

Comments are closed.