500 BATA SA MARCOS VILLAGE AT AETA COMMUNITIES SA PAMPANGA AT TARLAC, PINASAYA NI BBM

NAGING maligaya ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ng may 500 bata mula sa Marcos Village sa Mabalacat at mga Aeta communities sa Pampanga at Tarlac nang handugan sila ng aginaldo ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. nitong Martes.

Mainit siyang sinalubong ng mga bata sa Marcos Village gymnasium kung saan isinagawa ang Christmas gift giving.

Sinabi ni Marcos na ang Pasko ay sumisimbolo sa kapanganakan ni Jesus kaya’t dapat itong ipagdiwang taon-taon, lalo na ng mga batang paslit.

“Alam nyo po talagang para sa mga bata ang Pasko, kapag nakita ko silang ngumiti at natuwa ay naramdaman na natin agad ang Christmas spirit. Kaya’t mag-enjoy po kayo para sa mga bata lalo ang mga taga-Marcos Village. Maraming salamat sa inyo, muli Merry Christmas at Happy New Year,” wika ni Marcos.

Tinatayang aabot sa 500 kabataan ang binigyan ng aginaldo na kinabibilangan ng 300 kabataan sa Barangay Marcos Village at 200 bata naman na mula sa Aeta Indigenous Peoples and Indigenous Cultural Communities ng Bamba, Mabalacat, City, Pampanga at Tarlac.

Mahigit 500 food packs din ang ibinigay ni BBM sa mga residente sa naturang barangay.

Ang Barangay Marcos Village ay makailang ulit nang binisita ni Bongbong.

Katunayan, noong huling bumisita si BBM ay kasama pa nito ang mga anak na sina Simon at Vincent.

Matapos ang isang consultative meeting, nakisaya ang mag-aamang Marcos sa mga bata kung saan ay sumali ang mga ito sa inihandang sayaw ng mga paslit.

Muling naghandog ng native dance ang mga bata na muling ikinasaya ni Bongbong.

“Naalala ko nga dati niong napunta kami rito pati mga anak ko sumayaw sa gym ninyo. Kaya hindi ko kayo makalilimutan na mga taga-Marcos Village, lalong lalo na ngayon na naalala ko ulit ang mainit na salubong na ibinigbigay ninyo sa akin,” sabi pa niya.

Samantala, muling binigyang diin ni Marcos na ang kanyang ama, si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay palagi nang iminumulat sa kanya ang kahalagahan at pagmamahal sa mga indigenous people.

Dapat aniyang kilalanin at i-promote ang karapatan at kapakanan ng mga ito.

“We must remember that Indigenous Filipinos ang mga unang Pilipino at matagal na naming silang tinutulungan, mula pa noong panahon ng Tatay ko. The thing we have to do is stop categorizing them as second class citizens, they should have all the rights and benefits that all Filipinos have,” wika pa niya.

Ang Marcos Village sa Mabalacat ay isa sa mga Aeta resettlement sites na itinayo ng dating Pangulong Marcos sa iba’t ibang probinsiya sa bansa noon pang dekada 70.