500 COVID-19 PATIENTS SASALI SA SOLIDARITY TRIAL NG WHO

DOH

MAYNILA- LIMANDAANG pasyente sa Filipinas ang lalahok sa solidarity trial  ng World Health Organization (WHO) upang makatuklas ng lunas laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Department of Health (DOH), sa ilalim ng solidarity trial, pinag-aaralan ang kaligtasan at pagiging epektibo ng apat na iba’t ibang uri ng gamot na tinuklas laban sa COVID-19.

Sa isang virtual conference, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang 500 pasyente ay mula sa may 20 pagamutan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Maaari aniyang masimulan ang trial ngayong Biyernes kung makumpleto na ang documentary requirements para dito.

“Habang wala pa ‘yung shipment ng gamot maaari nang mag-umpisa, baka sakali sana kapag naiayos namin lahat ng dokumento, makapag-umpisa bukas (Biyernes) ang ating proponent ng trial,” aniya pa.

Dagdag pa niya “Gagamitin muna natin kung ano mang mayroon tayong stocks ng gamot dito sa Pilipinas at papalitan na lang pagdating ng shipment galing sa WHO.”

Ipinaliwanag pa ng health official na dahil isang adaptive protocol ang ipapatupad, maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga kalahok na pasyente at panahon ng trial.

Nabatid rin na mga pasyente mula sa Norway at Spain ang unang nagpatala sa pag-aaral, nang ilunsad ito ng WHO noong kalagitnaan ng Marso.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagkakalooban niya ng P10 milyon pabuya ang sinumang Pinoy na  makakadiskubre ng bakuna laban sa COVID-19.

Una na ring hinikayat ng Malacanang ang Food and Drugs Administration (FDA)  a pag-aralan ang Fabunan drugs, na gawa ni Dr. Ruben Fabunan, at sinasabing epektibong pamuksa ng iba’t ibang virus.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.