NADISMAYA ang umaabot sa 500 Immigration Officers (IO) ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ipalabas ang biglaan na reshuffle laban sa mga ito.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, umaabot sa 469 immigration officers ang inilipat sa iba’t ibang terminal upang maiwasan ang fraternization, at maiangat ang kanilang serbisyo sa mga airport.
Nabatid kay BI OIC Deputy Commissioner Mark Red Mariñas, na ang nasabing reshuffle ay ipinatupad matapos ipag-utos ni Morente, ang tinatawag nilang rotation terminals assignment sa mga IO.
Dagdag pa ni Mariñas na maliban sa nasabing rotating terminal assignments, ang ibang IO ay inilipat sa ibang oras o shifting at ito ay idinaan sa resulta ng kanilang mga performance.
Dagdag ni Morente na ang fraternization sa bawat empleyado ang itinuturong ugat ng korupsiyon sa gobyerno kaya isinagawa ang rotation para maiwasang maging tiwali ang mga empleyado.
Binigyang diin ng komisyuner na tatanggap pa sila ng IOs sa susunod na taon at nakatakdang i-deploy sa iba’t ibang port ang 96 IOs matapos makompleto ang immigration course sa Philippine Immigration Academy sa Clark, Pampanga. FROI MORALLOS
Comments are closed.