INAYUDAHAN ni Mayor Honey Lacuna ang may 500 pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa mga insidente ng sunog kamakailan sa Maynila.
Kasama si Manila department of social welfare chief Re Fugoso, nagbigay ng ayudang nagkakahalaga ng P10,000 sa bawat isang pamilyang nasunugan mula sa Districts 1 at 3 upang tulungan ang mga ito na makapagsimulang muli.
“Alam po namin na hindi sasapat ang tulong na ito subalit hangad namin na makatulong kahit paano sa inyong muling pagbangon,” ani Lacuna sa mga biktima ng sunog.
Nabatid mula kay Fugoso na ang P10,000 bawat isa ay binigay sa mga pamilya mula Barangays 101, 275 at 310.
Ang mga tumanggap ng ayuda ay pawang mga biktima ng sunog na naganap nitong Enero 28 at 31.
Sa kanyang maiksing mensahe, muling pinaalalahanan ni Lacuna ang mga Manileño na huwag mag-iiwan ng kandilang may sindi, gayundin ang mga kalan habang nagluluto, cellphones at gadgets habang naka-charged dahil ang mga ito ang karaniwang pinagmumulan ng sunog.
Binigyang diin pa nito, sa mga ganitong uri ng insidente ang pagliligtas ng buhay ang dapat na unahin sa halip na ang mga ari-arian. VERLIN RUIZ