500 PDL ILILIPAT SA DAVAO DEL NORTE

DAVAO DEL NORTE- NAKATAKDANG ilipat sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) ang may 500 persons deprived of liberty (PDL) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), ang mga ililipat ay ikukulong sa bagong itinayong gusali ng Davao Prison and Penal Farm.

Sinabi ng kawanihan na ang bagong gusali ay ininspeksyon ng General Services Division (GSD) ng bureau sa pangunguna ni C/Supt. Raul P. Levita at mga tauhan nito.

Aniya, layunin sa isinagawang inspeksyon na suriin ang kalagayan ng mga pasilidad nito bilang paghahanda sa paglilipat ng 500 PDL mula sa NBP.

Matatandaan na noong Hunyo 27 nasa 500 PDL mula sa Bilibid Prison at Correctional Institution for Woman sa Mandaluyong City ang dinala sa Iwahhig Prison and Penal Farm (IPPPF) sa Puerto Princesa City sa Palawan.

Nauna nang ibinunyag ni BuCoR Director General Gregorio Catapang Jr. ang plano na ilipat ang lahat ng presi at ilipat sa iba pang pasilidad ng bilangguan ng nasabing kawanihan. EVELYN GARCIA