TINIYAK ng pamahalaan ang pagpapauwi sa mga Filipino na sakay ng cruise ship na Diamond Princess na kasalukuyang naka-quarantine sa Japan dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mayroon nang inihandang repatriation process para sa mahigit 500 mga Filipino na tripulante ng nabanggit na cruise ship.
Gayunman, hindi pa masabi ni Bello ang eksaktong araw kung kailan ito isasagawa.
Sinabi ni Bello, nakikipag-ugnayan na rin siya sa recruitment agency ng mga tripulanteng Pinoy alinsunod na rin sa kahilingan ni Health Secretary Francisco Duque III.
Ito aniya ay hinggil sa pagsasailalim sa quarantine ng mga nabanggit na Filipino oras na makabalik ng Filipinas
Dagdag ni Bello, tuloy-tuloy naman na nakatatanggap ng sahod ang mga Filipino crew ng Diamond Princess kahit pa naka-quarantine ang mga ito kasabay ng pagtiyak na tutulungan sila ng pamahalaan.
Sa pinakahuling ulat, nasa 11 tripulanteng Filipino ng Diamond Princess ang kumpirmadong nahawaan ng COVID-19. PAUL ROLDAN