5,000 PULIS IKINALAT SA NCR

NAGPAKALAT ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mahigit sa 4,000 hanggang 5,000 mga pulis upang ma­ngasiwa sa seguridad at kapayapaan sa local campaign sa National Capital Region (NCR).

“Nag-deploy tayo ng nasa 4,000 hanggang 5,000 na mga pulis sa NCR,” pahayag ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño sa isang panayam kahapon.

Nitong Biyernes ay sinimulan na ang 45-day campaign period ng mga kakandidato na aabot sa 18,000 para sa local positions.

Pinaalalahanan naman ni Diño ang mga barangay official na manatiling ‘apolitical’ o huwag mangampanya ng sinumang kandidato base sa panuntunan ng Omnibus Election Code.

“Mahigpit na ibinilin ng DILG sa mga barangay ang Omnibus Election Code na ang mga barangay ay apolitical… Hindi pwedeng mangampanya ang mga barangay. Bawal din ang pagsusuot ng mga barangay official ng T-shirt na may nakalagay na ‘vote’ at pangalan ng kandidato,” giit ni Diño.

“Puwede namang dumalo sa political activities ang barangay officials pero dapat walang endorsement ng kandidato,” anang opisyal.

Nilinaw din ni Diño na hindi puwedeng ga­wing marshals ang mga barangay tanods sa mga isinasagawang campaign rallies dahil ang organi­zers ang dapat magtalaga nito.

Aniya, hindi maaa­ring gamitin ng mga kandidato ang anumang mga pasilidad at behikulo na pag-aari ng gobyerno sa kanilang pangangampanya.

Dagdag pa ng Undersecretary for Barangay Affairs Martin, kaila­ngang 70% lamang ang kapasidad sa anumang venue o pagdarausan ng mga meeting de avance sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
EVELYN GARCIA