TARGET ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na mabakunahan ang 50 hanggang 60 porsiyento sa mahigit na 500,000 residente kapag dumating na sa lungsod ang inangkat na 300,000 doses ng AstraZeneca vaccines.
Kaugnay nito, sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, sampung malalaking eskuwelahan at covered courts sa District 1 at District 2 sa lungsod ang kanilang inihahanda upang gamitin bilang mga vaccination centers.
Kaugnay nito, magsasagawa ang pamahalaang lokal ng vaccination simulation sa darating na Martes (Pebrero 9) na gaganapin sa Las Pinas Department of Education (DepEd) central office na sasaksihan ng mga kinatawan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Anang alkalde, magkakaroon din ng mock registration sa gaganaping vaccination simulation upang madetermina ang bilang ng mga residente na pumapayag na magpabakuna.
Kasabay nito, ang storage facility kung saan pansamantalang ilalagak ang mga aangkating vaccines ay inihahanda na mg lokal na pamahalaan habang 10 pang freezers ang kanilang inilagay bilang standby na magagamit sa karagdagang vaccines na bibilhin ng lungsod sa British drug maker.
Nais din ng lokal na pamahalaan na kumuha ng mga generators na ilalagay at magamit bilang standby power sa bawat storage facility kung saan ilalagak pansamantala ang mga aangkating vaccines.
Sinabi din ng alkalde na aabot sa 91,000 senior citizens at medical health workers sa lungsod ang napabilang sa priority list na unang makatatanggap ng libreng bakuna ng lokal na pamahalaan.
Gayunpaman,ang mga may karamdamang senior citizens ay hindi na isasama sa listahan ng mga indibidwal na mabibigyan ng libreng bakuna. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.