MAHIGIT 500,000 na may sira at testing ballots ang sisirain sa Mayo 7.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Marlon Casquejo na sisirain ang kalahating milyong balota sa harap ng publiko.
“So, umabot po tayo ng 500,000 plus ballots that will be destroyed in front of the media as well as the public,” ayon sa opisyal.
Nang tanungin kung susunugin ang mga balota, sinabi ni Casquejo na ito ay labag sa batas, kaya hahatiin sa tatlong bahagi ang mga balota.
“Bawal po ‘yan sa Clean Air Act. So, ang gagawin po, hahatiin into three parts… and then, later on, after elections it will be disposed,” sinabi ni Casquejo.
Ang Comelec ay nag-imprenta ng 67.4 milyong balota para sa halalan sa Mayo 9.
Batay sa datos ng Comelec, mayroong 65.8 milyong botante para sa Mayo 9 na botohan, kabilang ang 6.9 milyong bagong rehistradong botante.
Samantala, nagsimula na ang overseas absentee voting noong Abril 10 at magtatapos sa Mayo 9. LIZA SORIANO