TULOY-TULOY ang isinasagawang condonation ng pamahalaan sa mga pagkakautang sa lupa ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa bansa, at ang huling idineklarang hindi na sisingilin sa kanilang mga hulog sa kanilang sakahang ipinamahagi sa kanila ng Department of Agrarian Reform (DAR) ay ang 5,036 magsasaka mula sa lalawigan ng Capiz.
Ito’y bilang hakbang ng administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na pagaanin ang mga pasanin sa buhay ng naturang sektor sa gitna ng mga kinakaharap na hamon ng agrikultura sa bansa.
Ayon sa DAR, ang 5,036 magsasakang ARBs ay nagmula sa 17 munisipalidad sa Capiz. Ipinamahagi sa naturang mga magsasaka ang Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoM), Certificates of Land Ownership Award (CLOA), at Electronic Titles (E-Title) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project sa seremonyang ginanap sa Capiz Gymnasium, Villareal Stadium, Roxas City, Capiz noong November 28, 2024.
Ang CoCRom ang magpapatunay ng condonation o hindi na pagsingil ng pamahalaan sa mga magsasaka ng balanse ng kanilang lupaing pangsakahang hinuhulugan. Ang naturang hakbang ay isa lamang sa serye ng condonation na nasimulan nang isagawa ng DAR sa iba’t ibang lalawigan mula sa iba’t ibang rehiyon noong mga nakaraang linggo.
Pinangunahan ni presidential sister at Senadora Imee Marcos, kasama sina DAR Assistant Secretaries Rodolfo Castil Jr. at Atty. Quintin Magsico Jr., Regional Director ng Region 6 Leomides Villareal, at Roxas City Mayor Ronnie Dadivas, ang pamamahagi ng mga sertipiko at titulo ng lupa sa mga magsasaka ng Capiz.
“Ang ating magandang balita, sa wakas, mamimigay na tayo. Libreng-libre. Wala nang utang. Zero balance sa tanan. Limpyo. Libre na ang titulo sa inyo na 100%,” sabi ni Marcos.
Giit ni Marcos, ang hakbang ay bahagi ng unti-unting pagsasakatuparan ng kalooban ng kanyang ama, ang yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na paunlarin at palakasin ang mga magsasaka.
“At last, ‘yan ang handog natin sa DAR, handog ng pamahalaan. At ‘yung sinasabi parati nating kinakanta ang national anthem. Lupang Hinirang ang titulo, pero ang tinuod, Lupang Hinarang, kasi 51 years na ito, wala pa rin, pero ngayon sa araw na ito, dito sa Capiz, Roxas City, para sa tanan (lahat), tunay nang Lupang Hinirang, may lupa ang bawat Pilipino.”
Ang pamamahagi ng mga CoCRoM ay alinsunod sa Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA) na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 7, 2023. Sa ilalim ng batas na ito, mawawala ang lahat ng mga pautang, kabilang ang mga interes, multa, at surcharges na natamo ng mga ARB mula sa mga lupaing iginawad sa kanila sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 27, R.A. No. 6657, at R.A. No. 9700.
Umabot sa kabuuang 7,962 katibayan at titulo ng lupa sa 5,036 ARBs na sumasakop sa 5,584.8932 ektarya ng lupain mula sa 17 munisipalidad ng probinsya ng Capiz ang naipamahagi sa naturang kaganapan.
Mula sa kabuuang ito, 7,455 CoCRoM na sumasakop sa 5,013.5764 ektarya ng lupain ang naipamahagi sa 4,630 ARBs. Samantala, 66 naman sa mga ito ay mga CLOA na katumbas ng 34.383 ektarya ng mga lupain na naipamahagi sa 61 ARBs sa apat na munisipalidad ng Capiz. At 441 naman sa mga ito ay mga e-titles sa ilalim ng SPLIT Project na katumbas ng 536.9338 ektarya ng lupang naipamahagi sa 345 ARBs mula sa 11 munisipalidad ng lalawigan.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia