MAHIGIT sa 500 backyard piggeries sa bansa ang tinamaan ng African Swine Fever (ASF) noong Setyembre na nagresulta sa pagkamatay ng 59 baboy at pagkatay sa 5,131 iba pa, ayon sa summary report ng Department of Agriculture (DA).
Batay sa report, na tinanggap ng OIE-World Organization for Animal Health noong Oktubre 30, may 508 backyard piggeries mula sa Quezon City at Pangasinan ang apektado ng ASF magmula pa noong Setyembre. Ang lugar na may pinakamaraming apektadong babuyan – may kabuuang 187 — ay ang Bagong Silangan sa Quezon City.
Ayon sa DA, may siyam na bagong ASF outbreaks sa bansa matapos ang insidente noong Setyembre 15 sa Bagong Silangan. Wala isa man sa mga ito ang naresolba na at minarkahang ‘nagpapatuloy’.
Ang iba pang lugar na may ASF-hit piggeries ay ang Payatas, Tatalon, Pasong Tamo, Roxas, Tandang Sora at Commonwealth sa Quezon City at Baloling at Apalen sa Pangasinan. Ang pinakabagong outbreak na naitala noong Oktubre 18 ay sa Commonwealth.
Batay sa report, pinatay at ibinaon ng Payatas ang 3,083 baboy kasunod ng outbreak.
Kinumpirma sa report ang 87 kaso ng mga apektadong baboy sa bansa, pawang nagmula sa Apalen, kasama ang 271 susceptible cases sa parehong lugar at sa Baloling.
Sinabi pa ng mga Agriculture official na hinihintay pa nila ang pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang budget upang makapagbigay na sila ng tulong pinansiyal sa mga apektadong hog raiser. Ang mga magsasaka ay maaari rin umanong makakuha ng cash aid mula sa kani-kanilang local government units (LGUs).
Bukas din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pag-ayuda sa mga hog raisers.
“The municipal government, the provincial government, the DSWD (Department of Social Welfare and Development) will also help. We (will) provide it, all those necessary assistance, and wala naman masabi ang mga apektado [the affected farmers did not raise any concerns],” wika ni Agriculture Secretary William Dar. CNN PHILIPPINES
Comments are closed.