NASA kabuuang 50,887 overseas Filipinos (OFs) ang napauwi na ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Hulyo tulad ng ipinangako ng àhensiya sa repatriation efforts nito.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts noong Hulyo 14, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Y. Arriola na inasahan ng DFA na mapauwi ang halos 50,000 OFs noong Hulyo.
Sa 50,887 OFs na napauwi sa bansa sa naturang buwan, 35,656 ang nagmula sa Middle East – ang pinakamalaking bilang ng Pinoy repatriates na galing naman sa UAE (14,948), Saudi Arabia (11,249), at Qatar (4,664).
Nasa kabuuang 6,925 OFs ang nagmula sa Asya, 4,943 sa Americas, 3,343 sa Europa at 20 naman sa Africa.
Nabatid na nakapag-organisa ang DFA ng 13 chartered flights noong Hulyo kung saan napauwi sa bansa ang 4,147 kababayan mula sa Japan, Pakistan, Saudi Arabia, Qatar, Lebanon, Malaysia at Vietnam.
Ang nasabing chartered flights ay sinagot o ginastusan ng DFA sa pamamagitan ng Assistance-to-Nationals Fund nito.
“More than any other time in Philippine history, we have embarked on a repatriation program of unprecedented scale in order to bring home our overseas Filipinos affected by the pandemic. Our duty is far from over as we sustain our efforts to fly home another hundred thousand fellow Filipinos who wish to be repatriated,” sabi ni Undersecretary Arriola.
Sa ngayon ay target ng ahensiya na mapauwi pa ang tinatayang 100,000 Pinoy sa iba’t ibang bansa sa susunod na dalawang buwan. LIZA SORIANO
Comments are closed.