SINABI ni Senador Ronald Bato Dela Rosa na umabot sa 513 na estudyante at minors simula noong 1999 hanggang 2019 ang na-encounter ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Dela Rosa, base sa report, ang 513 na mga mag-aaral at minors ay mga naging miyembro ng New People’s Army na nakaengkuwentro ng AFP kung saan ang ilan ay napaslang, sumuko at naaresto.
Lumabas sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nahihikayat ang mga mag-aaral ng ilang mga militanteng grupo tulad ng Kabataan Party List at Anak Pawis Party List. Lumutang sa pagdinig ang mga magulang ng mga bata na hanggang sa ngayon ay nawawala.
Aminado naman ang AFP na nahihirapan sila na maipatupad ang programa na labanan ang ginagawang panghihikayat ng mga leftist group dahil may memorandum circular ang Department of Education na mahigpit na pinagbabawalan ang mga militar na makipag-engaged sa paaralan.
Subalit, ayon kay Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations J7 MGen. Antonio Parlade Jr., panahon na upang payagan sila na makilahok sa mga paaralan upang tuluyang maagapan ang ginagawang paglalason sa isipan sa mga kabataan sa mga maling paniniwala laban sa gobyerno.
Sinampahan naman ng kaso ng mga magulang sa tulong ng AFP ang ilang opisyal ng Kabataan Party List at Anak Pawis Party List maging ang ilang indibiduwal na nanghikayat sa kanilang mga anak na hanggang sa ngayon ay patuloy na nawawala. VICKY CERVALES
Comments are closed.