52-ANYOS NA TNVS DRIVER NASA SENIOR HIGH NA

TUMANGGAP ng papuri kay Makati City Mayor Abby Binay ang 52-anyos na TNVS driver na kasalukuyang nasa senior high sa Benigno Ninoy Aquino High School (BNAHS) dahil sa ipinakita nitong tibay na determinasyon para makapagtapos ng pag-aaral.

Pinahanga ni Benjie Estillore si Binay dahil sa pagsusumikap nito na kung saan estudyante siya sa umaga at Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver naman sa gabi.

Ayon kay Binay, si Estillore ay magsisilbing inspirasyon para sa Proud Makatizens na nagsusumikap pag-aaral para maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay.

Sinabi ni Binay na nag-umpisang mag-enrol si Estillore sa Alternative Learning System (ALS) na karaniwang iniaalok ng lungsod sa mga working student na kinalaunan ay nag-enroll na siya bilang regular senior high school student sa BNAHS.

Dagdag pa ni Binay na makaraang makapagtapos si Estillore ng Grade 11 na may mataas na antas, naging inspirasyon din siya ng kanyang asawa na dating guro sa Rizal Elementary School sa Makati upang bumalik sa pag-aaral.

Nagpasalamat naman si Estillore sa mga benepisyong kanyang natatanggap bilang isang mag-aaral ng lungsod kasabay ng kanyang panawagan sa iba pang mga lokal na namumuno na tularan ang pamamahala ni Binay bilang alkalde na namahagi ng libreng kagamitan tulad ng libreng uniform, sapatos, medyas, at school supplies pati na rin sa pamimigay ng food pack, jacket, at tumbler na malaking tulong para sa isang tulad niyang mag-aaral.

Naniniwala rin si Estillore na bagaman malaki ang nawawala sa kanyang kinikita sa araw-araw bilang TNVS driver, ang pamumuhunan ng edukasyon ang kanyang binigyan ng prayoridad na magkakaloob ng kanyang inaasam-asam na tagumpay.

Sinabi ni Estillore na sa kanyang pagtatapos ng Grade 12 ay plano nitong ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo at kumuha ng kursong Political Science sa University of Makati.

Tiniyak naman din ni Binay ang patuloy na pagbibigay ng suporta ng lokal na pamahalaan hindi lamang kay Estillore kundi pati na rin sa iba pang Makatizens na nagpupursiging makapagtapos ng pag-aaral at matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay. MARIVIC FERNANDEZ