52 BAGONG KASO NG COVID-19 NAITALA

NAKAPAGTALA na lamang ng 52 kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa buwan ng Abril ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa kumpara sa 95 na kaso noong nakaraang Marso o pagbaba ng kabuuang 45 porsiyento.

Base sa datos ng City Health Office (CHO), noong Abril 1 ay mayroong 39,906 kumpirmadong kaso ng virus ang lungsod at matapos ang buwan ay mayroon na itong 39,958 nitong Abril 30 o karagdagang 52 kaso ng COVID-19 habang 39,338 ang mga nakarecover at 614 naman ang mga namatay.

Kung ikukumpara naman sa datos mula Marso 1 na may 39,809 hanggang Marso 31 na umabot sa 39,904 na may kabuuang bilang na 95 kaso sa nabanggit na buwan ay bumaba ang kumpirmadong kaso ng virus sa lungsod ng 43 kaso ng COVID-19.

Sa datos din ng CHO ng Abril 30 ay mayroong anim na aktibong kaso habang anim ang nakarecover at walang naitalang namatay sa virus.

Sa anim na aktibong kaso, dalawa dito ay naitala sa Barangay Ayala-Alabang at may tig-isang kaso naman ang mga barangay ng Tunasan, Poblacion, Cupang at Sucat.

Apat na barangay naman sa lungsod ang mga COVID-free na kinabibilangan ng Barangay Putatan, Bayanan, Alabang at Barangay Buli.

Sa usapin naman ng pagbabakuna ng Abril 28 ay mayroon nang 493,568 indibidwal ang mga fully vaccinated na katumbas ng 111.54 porsiyento ng target population ng lungsod na 442,517 kung saan ang target population ng lokal na pamahalaan ay umabot ito ng 80 porsiyento ng estimated total population na 553,146.

Sa 493,568 na nakatanggap na ng bakuna ay 129,419 indibidwal ang naturukan ng unang booster shot o 26.22 porsiyento sa bilang ng mga fully vaccinated.

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan na simula nang ianunsyo ng gob­yerno ang pagpayag sa pagbibigay ng ikalawang booster ay naturukan na rin ang 66 immunocompromised na indibidwal mula Abril 26 hanggang Abril 28. MARIVIC FERNANDEZ