ISANG linggo ito bago ang halalan para sa Mayo 9 national and local polls, inihayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mahigit sa 41 libong police personnel ang kanilang ikinalat sa buong bansa kaugnay sa nalalapit na eleksyon.
Layon nito na matiyak na magkakaroon ng ligtas, maayos at mapayapang halalan sa bansa pagsapit ng eleksiyon.
Una nang ipinahayag ni AFP spokesman Col. Ramon Zagala na mahigit 40 sundalo na ang kanilang ipinakalat para magbantay sa mga itinatag na COMELEC checkpoints.
Kabilang sa kanilang responsibilidad na magbantay din sa labas ng mga polling centers at handang umayuda sa PNP kung may emergency o may pangangailangan para mapanatili ang kapayapaan sa panahon ng eleksyon.
Nabatid na umaabot na sa 52 kaso ang itinuturing na election related incidents mula nang magsimula ang election period hanggang nitong Linggo.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, sa ngayon 10 pa lamang sa nasabing bilang ang kumpirmadong may kinalaman sa eleksyon.
Apat dito ay naitala sa Ilocos Region, tatlo sa Zamboanga at tag-iisa sa Central Luzon, Northern Mindanao at Cordillera.
Samantala, 28 naman ang validated non-election related incidents habang 14 ang patuloy na iniimbestigahan ng PNP.
Ayon sa Commission on Elections, 104 na munisipalidad at 14 na lungsod sa buong bansa ang isinailalim na sa “red category” na itinuturing na mga “areas of grave concern”.
Sa ngayon, 10 lugar na ang isinailalim sa Comelec control.
Dahil dito, mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga pulis at sundalong itinalaga sa polling centers at Comelec checkpoints para bantayan ang seguridad sa araw ng eleksyon. VERLIN RUIZ