MAHIGIT 52 tonelada ng tinanggal na campaign posters ang nahakot ng mga tauhan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa isinagawang clearing operation matapos ang ginanap na halalan May 2022.
Ayon kay Manila Department of Public Services (DPS) Director Kenneth Amurao, nasa 52.6 tonelada na ng mga campaign posters at iba pang paraphernalia ang kanilang nahakot alinsunod na din sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nitong nakaraang linggo.
Aniya, bukod sa nasabing clearing operation sa buong lungsod nap ag-aalis ng mga campaign posters na nagsisilbi nang “eyesore” sa Maynila ay tuloy-tuloy din ang isinasagawa nilang cleaning at clearing operation sa lahat ng estero, kanal gayundin sa ilog at dagat na sakop ng lungsod ng Maynila partikular na ngayong dumating na ang panahon ng tag-ulan.
“Since July 2019 tuloy tuloy lang yung mga different teams ng DPS sa daily cleaning and clearing operations. Estero Rangers everyday iba’t ibang estero ang nililinis, yung team Mandaragat araw-araw nag-lilinis sa Manila Bay sa Roxas Boulevard at yung Baseco Beach Warriors naman sa coastal areas ng Baseco,” paliwanag ni Amurao.
“Lahat ng katubigan sa Manila pilit natin inaayos at nililinis araw araw,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon pa kay Amurao, katuwang ng DPS ang City Engineering Office sa pagbubungkal at declogging sa mga drainage at kanal sa Maynila bunsod na din sa direktiba ni Yorme kung saan halos araw-araw na nila itong ginagawa simula Hulyo 2019.
Maliban pa umano sa mga nabanggit ang aniya’y araw-araw na pangongolekta ng basura at sweeping operations sa lungsod upang maiwasan mapunta sa mga kanal ang basura na maaaring magdulot ng pagbaha sa Maynila sa inaasahang malalakas na buhos ng ulan. PAUL ROLDAN