53 ROOMS SA KIANGAN HALL SA CAMP CRAME ITATALAGA BILANG QUARANTINE AREA

CAMP CRAME

CAMP CRAME-MAKARAANG mapaulat na dalawang pulis ang positibo sa coronavirus disease (COVID-19) at 660 iba pa ang inoobserbahan sa naturang sakit,  itatalaga ng Philippine National Police (PNP) bilang quarantine area ang Kiangan Hall na nasa loob ng Camp Crame sa Quezon City.

Sinabi ni Lt,  Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration, na 53 rooms mula sa Kiangan Hall ang kanilang ilalaan para sa mga pulis na tatamaan ng nasabing virus.

Ayon sa PNP’s No. 2 in command, ang first floor ng nasabing gusali ay pamamahayan ng mga health worker gaya ng mga doktor, attendants at nurse.

Sa kabuuang 53 rooms,  ang 20 rito ay sa second floor habang 33 sa third floor.

Para naman sa nais na tumira sa nasabing gusali, inirekomenda ni Cascolan ang gusali ng Training Services.

Bukod sa Kiangan Hall,  pinag-aaralan din ng PNP na gawing quarantine area ang Camp Crame Elementary School subalit kanila pa itong ire-request sa pamunuan ng paaralan.

Samantala, ang mga pulis na Person Under Investigation (PUI) at Person Under Monitoring (PUM) ay tatanggapin sa mga itinayong quarantine tent at hindi sila ihahalo sa mga may sakit.

Tiniyak naman ni Cascolan na safe ang kampo dahil sa ginagawa nilang safety measures.

Halimbawa aniya ang ginagawang disinfection araw-araw ng mga miyembro ng Headquarters Support Service sa bawat tanggapan sa loob ng Camp Crame.

Habang ang mga miyembro naman ng Health Service ang umaasiste sa mga pulis na ang pakiramdam nila ay may sakit. REA SARMIENTO

Comments are closed.