53K PWDs, MWDs, SOLO PARENTS NG MAYNILA PINONDOHAN NG P157-M

NASA P157 milyon ang inilaan para sa mahigit 53,000 taga-Maynila na ipapamahagi sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng city government ngayong buwan.

Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng social welfare department ng lungsod na pinamunuan ni Re Fugoso ay mamamahagi ng monthly allowances sa ilang sektor sa ilalim ng SAP na ipinasa ng Manila City Council sa panahon ni Lacuna bilang Presiding Officer.

Ang mga sektor na ito ay kinabibilangan ng persons with disability (PWDs), solo parents at minors with disability (MWDs) na idinagdag sa listahan ng recipients kamakailan lamang.

Inihayag ng alkalde na ang beneficiaries ay tatanggap ng kanilang cash allowances na P3,000 bawat isa para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo na P500 kada buwan.

Ang kabuuang bilang ng mga tatanggap ay 53,124 habang ang kabuuang halaga ng ipamimigay ay mahigit P157 million.

Samantala, nanawagan si Lacuna sa recipients na gamitin ang pera sa maayos na paraan at huwag gamitin sa bisyo.

Napag-alaman kay Fugoso na ang beneficiaries ay binubuo ng 35,235 PWDs, kabuuang 3, 820 MWDs at 14,069 solo parents.

Ayon kay Lacuna, bagamat hindi kalakihan ang tulong pinansyal ay ito naman ang paraan ng pamahalaang- lungsod na iparamdam kahit paano ang malasakit ng lungsod sa mga residente nito.

Samantala, hinihikayat ng alkalde ang recipients na bisitahin ang DSWD Manila Facebook page o magtanong sa kanilang mga barangay kung paano makukuha ang nasabing allowances mula sa lungsod. VERLIN RUIZ