54-ANYOS NA LALAKI HUMANDUSAY SA TAGAY

Lasing

VALENZUELA CITY – PATAY ang isang 54-anyos na gatekeeper nang bigla na lamang mag-collapsed habang nakikipag-inuman sa isang birthday party kamakalawa ng gabi.

Batay sa report ng pulisya, ang biktima na binawian ng buhay ay nakilalang si Odonaldo Campos ng 16 Anonas Road, Brgy. Potrero, Malabon City ay isinugod ng kanyang mga katrabaho sa Vian Family Hospital sa Que Grande Street, Brgy. Ugong subalit, idineklara itong dead-on-arrival.

Sa nakarating na report kay Valenzuela police chief P/Col. David Nicolas Poklay, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi sa opisina ng JP Lozada Engineering sa 1004 D. De Leon St. Brgy. Ugong.

Lumabas sa imbestigasyon, inimbitahan si Campos ng kanyang katrabaho na si Juanita Lozada na dumalo sa birthday party ng pamangkin nitong babae subalit, sa gitna ng kanilang inuman dumaing ng pananakit ng kanyang dibdib ang biktima.

Nang sumuka at bumagsak sa sahig ang biktima, mabilis itong isinugod sa naturang pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Hiniling naman ng pulisya ang autopsy examination sa bangkay ng biktima upang matukoy ang naging sanhi ng ikinamatay nito. EVELYN GARCIA

Comments are closed.