540 PAMILYA BENEPISYARYO NG P1.03-B HIGH RISE PABAHAY NI ZAMORA

francis zamora

SAN JUAN CITY – PINANGUNAHAN nina Mayor Francis Zamora, Congressman Ronny Zamora at Luz Evangelista ng National Housing Authority ang groundbreaking ceremony para sa itatayong 22 palapag na public socialized housing project.

Ang ikalawang high rise pabahay ay nasa F. Manalo Street, Barangay Batis na may sukat na 2,577 square meter, 540 units at may lawak na 29 square meter kada isa.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde na 25 taong babayaran ang kada yunit habang ang NHA ang magbibigay ng panuntunan kung paano ito ma-avail.

Ang nasabing Pabahay ni Mayor ay kaniyang pangako sa San Juaneño na mabigyan ng marangal at abot-kayang masisilungan.

Sinabi naman ni Cong. Ronny Zamora, mapalad ang San Juaneño dahil may katuwang ang kanilang alkalde para maisakatuparan ang pangarap na pabahay sa kanila.

Aniya, kabilang lamang ito sa mga proyekto nilang mag-ama dahil kanila na ring pinaplantsa ang pagkakaroon ng ikalawang national highschool.

Inanunsiyo rin ng mag-ama sa nasabing okasyon ang pagtatayo ng gusali para sa Eastern Police District sa kanilang lungsod habang magkakaroon ng libreng uniporme ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya.

Dagdag pa ng mambabatas na Zamora, ginawa nila ang bagong kasaysayan ng San Juan na isang maunlad.

“We will make San Juan a historical city,” ayon pa sa kongresista. EUNICE C.