54,000 MAGSASAKA TATANGGAP NG LAND TITLES BAGO MATAPOS ANG 2024

TARGET ng Department of Agrarian Reform (DAR) na makapamahagi pa ng 54,000 indibidwal na titulo ng lupa sa mga magsasakang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa buong bansa bago matapos ang 2024, ayon kay Secretary Conrado M. Estrella III.

Inaasahang aabot  sa  1.14 milyong ARBs sa 1.38 milyong ektarya ng lupang agrikultura sa buong bansa ang makikinabang sa patuloy na pagbibigay sa kanila ng mga indibidwal na titulo ng lupa sa pamamagitan ng hinahati-hating collective Certificates of Land Ownership Award (CCLOAs) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project na pinondohan ng World Bank ng P24.625 bilyon.

Ito ang  ipinahayag ni Estrella sa kanyang mensahe  sa 10th Implementation Support Mission (ISM) ng Project SPLIT ng World Bank na idinaos noong Nobyembre 5-8, 2024 sa DAR Central Office, Quezon City.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Estrella sa mga kinatawan ng WB at binati ang mga ahensiya, kabilang ang Land Registration Authority (LRA), Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), Office of the President, at iba’t ibang sektor para sa kanilang mahusay na pagtutulungan para sa matagumpay na pagpapatupad ng SPLIT.

Ang Project SPLIT ay isang flagship initiative ng DAR na pinondohan ng WB.

“Nagsisimula na kaming matagumpay na ipatupad ang Project SPLIT at nakakuha ng momentum upang lagpasan ang dating mga rekord,” sabi ni Estrella.

Ipinaalala ni Estrella na noong panahon ng pandemya, 26,000 lamang ang naipamahagi ng DAR na titulo ng lupa. Sa kanyang pag-upo bilang kalihim ng DAR noong Hulyo 2022, naitugma ng DAR sa loob lamang ng anim na buwan ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa ilalim ng programang parcelization, kumpara sa naipamahagi sa loob ng isang taon ng nakaraang administrasyon.

“Sa taong ito, nakapagbigay kami ng hindi bababa sa 100,000 indibidwal na titulo ng lupa. Nakatuon din kami na maipagkaloob ang balanse ng mga titulo ng lupa na ipapamahagi bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” sabi ni Estrella.

Sinabi ni DAR Undersecretary at SPLIT Project Implementation Officer Jesry T. Palmares na may kabuuang 54,000 indibidwal na titulo ng lupa ang nakatakdang ipamahagi sa buong bansa bago matapos ang 2024, kung saan ang Pangulo ay pumayag  na personal na isagawa ang pamamahagi.

Ma. Luisa Ma­cabuhay-Garcia