(55 babae na-rescue ng NBI) JAPANESE, 3 PA TIMBOG SA SEX TRAFFICKING

NAGHIHIMAS ng rehas na bakal ang isang Japanese national at 3 iba pa na nagsasagawa ng pambubugaw sa loob ng club nang masakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation- International Operations Division (NBI-IOD) sa bahagi ng Macapagal Avenue, Pasay City nitong nakalipas na Linggo.

Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Hiroshi “Hiro” Akiba, manager ng International King and Queen Manila Club; Mary Jane “Yuki” Santos, Jeanette “Cherry” Gonzales at si Erlinda “Linda” Merillo na pawang mga empleyado ng nasabing bar.

Ayon kay NBI Officer-in-charge Director Eric B. Distor, nakatanggap ng impormasyon ang NBI -IOD kaugnay sa operasyon ng nasabing club na pinangangasiwaan ni Hiro kung saan ibinubugaw ang mga kababaihan sa dayuhan para sa sexual services kapalit ng halagang P8K.

Kaagad na inilatag ang rescue at entrapment operations laban sa mga operator ng club kung saan nagpanggap na guest ang ilang undercover agent ng NBI habang ang iba naman ay pumuwesto sa labas ng nasabing club.

Nang pumasok na ang ilang undercover agent ng NBI na nagpanggap na guest ay sinalubong sila ng isa sa mga suspek bago binigyan ng 2 babae na ka-table hanggang sa mauwi ang usapan sa special services sa halagang P3.5K na gagawin sa VIP room.

Kaagad na nagbayad ang poseur-guest sa suspek bilang bayad sa sexual service sa VIP room kung saan lingid sa mga suspek ay sumenyas ng go-signal sa mga operatiba ng NBI-IOD kaya nasakote ang manager at 3 iba pa.

Nasagip naman ang 55 kababaihan na biktima ng sex trafficking na dinala sa NBI-IOD office para imbestigahan habang narekober sa kahera ng club ang ginamit na marked money na gagamiting ebidensiya laban sa mga suspek.

Nadiskubre rin ng NBI na ang mga biktimang babae ay ni-recruit sa pamamagitan ng social media at walk-in referral ng kaibigan kung saan bibigyan ng P380 kada araw na allowance kapag pumasok sa club ng alas-7 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Naiharap na sa Office of the City Prosecutor of Pasay ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 4(a) ng RA 9208 (Anti-trafficking in Persons Act of 2003, as amended ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act). MARIO BASCO