(55 mula sa 60 sa optional, 60 mula sa 65 sa compulsory) RETIREMENT AGE SA GOV’T BABAWASAN

Win Gatchalian

NAIS ni Senador Win Gatchalian na ibaba ng limang taon ang optional at compulsory retirement age ng lahat ng kawani ng gobyerno.

Nakapaloob sa inihaing Senate Bill No. 738 ni Gatchalian, gagawing 55 taong gulang mula 60 ang optional retirement age, samantalang 60 taong gulang naman mula 65 ang compulsory retirement age.

“Ang pagbaba ng optional at compulsory retirement age ay magpapahintulot sa mga empleyado ng gobyerno na pakinabangan ang mga benepisyong mula sa kanilang pagreretiro pagkatapos maglingkod ng mahabang panahon sa pamahalaan,” ani Gatchalian.

“Higit pa rito, bibigyang-pagkakataon ang mga retirado na subukan ang iba pang uri ng kabuhayan upang maging maayos ang kanilang pinansyal na katayuan,” dagdag pa nito.

Binigyang diin ng senador, ang kanyang panukalang batas ay naglalayong lutasin ang problema sa unemployment o kawalan ng trabaho sa bansa.

Aniya, ang Filipinas ay isa sa mga bansang mayroong pinakamataas na bilang ng unemployment sa buong Asya sa kabila ng mga ulat ng paglago ng ekonomiya.

“Kapag naaprubahan bilang batas at nagretiro ng mas maaga ang mga empleyado, magkakaroon ng oportunidad para sa mas maraming Filipino, partikular na sa mga mas batang henerasyon na mas eksperto sa mga bagong pamamaraan at teknolohiya na siyang kinakailangan sa mga bagong trabaho,” giit ni Gatchalian.

Sa panukalang batas ni Gatchalian, inamyendahan nito ang Sections 13(b) at 13-A ng Republic Act No. 8291 o ang Government Insurance Service Act of 1997 na nagbababa ng optional at compulsory retirement age sa edad na 55 at 60 taong gulang mula sa kasalukuyang 60 at 65 taong gulang.

Tinukoy rin sa panukala, ipatutupad din ang paunti-unting pagreretiro ng mga kawani ng gob­yerno na nasa edad 61 taong gulang pataas.

Ibig sabihin, ang mga empleyadong nasa edad 64 hanggang 65 taong gulang ay dapat nang mag­retiro sa loob ng isang taon simula ng ipatupad ang batas. Samantala, ang mga nasa edad 62 hanggang 63 taong gulang naman ay magreretiro sa pangalawang taon, at ang mga nasa edad 61 taong gulang ay magreretiro sa ikatlong taon. VICKY CERVALES