56 KATAO ‘BIKTIMA’ NI OMPONG

Political Affairs Secretary Francis Tolentino

CAGAYAN – SU­MAMPA sa 56 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Ompong.

Una nang naiulat ni  Political Affairs Secretary Francis Tolentino sa pangulo na nasa 29 ang biktima ng bagyo.

Ang pangulo at ang gabinete nito ay nag-inspeksiyon sa Cagayan.

Nadagdagan ang ulat nang lumobo sa pag-uulat na sa Cordillera region ay nasa 36 na ang biktima habang mayroon ding natabunan nang gumuho ang isang  kapilya kung saan hapon na nang matagpuan ang mga labi ng biktima.

Giit naman ni Tolentino na tama ang ginawang preparasyon ng bawat local government units ma­ging ang national go­vernment sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) subalit hindi naiwasan na may mamatay dahil hindi nila kontrolado ang kalikasan.

Inihalimbawa nito ang insidente sa Nueva Vizcaya kung saan isang pamilya ang nabiktima nang tumangging palikasin ng padre de pamilya ang buong pamilya habang nasa liblib na lugar ang kanilang bahay kaya natagalan bago sila natunton.

Sa Ilocos Region, isa ang nabuwalan ng puno ng mangga, isa sa Kalinga dahil sa pagguho habang pinakamarami ay sa Cordillera Administrative Region na umabot sa 24 ang nasawi.

Bukod sa numero ng nasawi, 13 pa ang missing sa CAR.

Ibinida naman ng Malacañang official na wala namang nasawi sa Cagayan at Isabela na puntirya ng bagyo.

Samantala, tinaya naman ni Transportation Secretary na posibleng umabot sa P35 billion ang danyos sa agrikultura, impraestruktura at ari-arian ang danyos ng bagyo.

Una nang naiulat ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad kasama si Sec. Harry Roque na may dalawang rescuers na nasawi sa press briefing noong Sabado ng hapon na itinanggi subalit muling iniulat  kahapon.

Bagaman may mga nasawi, maituturing na minimal pa rin ito at tinanggap naman ng Pangulo ang paliwanag ng kaniyang mga kalihim.

Sinabi ng Pangulo na nakikiramay siya sa mga biktima ng bagyong Ompong.

Aniya, ang natural calamity ay hindi basta mauunawaan, habang satisfied siya sa mabilis na aksyon ng kaniyang gabinete at maging ang mga uniformed personnel ay kaniyang pinuri.

Una nang hinabilinan ng Pangulo si Tolentino na pangasiwaan ang disaster coordination laban sa bagyong Ompong. VERLIN RUIZ