UMAKYAT na sa 56 katao ang bilang ng mga nasasawi dahil sa 2029 Novel Coronavirus.
Iniulat ng National Health Commission, 52 sa mga nasawi ay mula sa Hubei Province, dalawa sa Henan Province, isa sa Heilongjiang at isa sa Hebei.
Nakapagtala na rin ng 1,975 na kaso ng sakit.
Sinasabing mahigit sa 600 kaso na ang nadagdag kahapon lamang.
Samantala, nakapagtala na rin ng kauna-unahang kaso ng N-Cov sa Canada.
Ayon sa Toronto Public Health Department, isang Canadian citizen na nagbalik-bansa mula sa Wuhan, ang carrier ng virus.
Nauna nang naitala ang kaso ng N-Cov Amerika, France, Australia, Thailand, Japan, Hong Kong, Veitnam at South Korea.
DOH nanawagan MAG-INGAT SA FAKE NEWS TUNGKOL SA CORONAVIRUS
NANAWAGAN si Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo sa publiko na mag-ingat at huwag basta-basta maniwala sa mga ‘fake news’ na naglalabasan sa social media kaugnay ng kumakalat na 2019 novel corona virus (NCoV).
Payo pa ni Domingo, sakaling may marinig na balitang mayroon nang nag-positibo sa 2019 NCoV sa bansa, ay makabubuting alamin muna kung totoo talaga ito.
Mas makabubuti rin aniyang makinig lang sa mga impormasyong mula mismo sa DOH, gayundin sa mga balitang inihahatid ng mga lehitimong news agency upang maiwasan ang kalituhan at pagpa-panic.
Binigyang-diin ni Domingo na hindi rin dapat na ipakalat ang balita lalo na kung hindi naman ito kumpirmado dahil nagdudulot lamang ito ng pangamba at panic sa publiko.
Muli ring nagpaalala ang opisyal sa kahalagahan na may proteksiyon ang mga nagtatrabaho sa mga paliparan at mga daungan laban sa virus gaya na lamang aniya ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), na kailangang magsuot ng face masks, dahil sila ang nasa frontline o mga unang sumasalubong sa mga biyaherong pumapasok sa bansa.
Maging ang mga nagtatrabaho sa mga ospital at iba pang healthcare facilities ay inabisuhan na rin ng DOH na maging alerto sa mga pasyente na makikitaan ng sintomas ng virus o mayroong travel history sa Wuhan, China. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.