57 MOTORISTA NASAMPULAN( Sa mataas na multa ng traffic violations)

traffic violation

INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nasa 57 motorista na lumabag sa anti-illegal parking ang sinampulan sa unang araw ng arangkada ng pagpapatupad ng  mataas  na multa sa  traffic violation.

Simula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga ay nagsagawa ng anti-illegal parking operation ang mga tauhan ng MMDA sa area ng FB Harrison, Taft Avenue, Buendia, Quirino Highway,  Parañaque, Roxas Bouevard  hanggang  TM Kalaw at  Baclaran.

Dito ay naabutan ng mga tauhan ng MMDA ang sasakyang naka-illegal parking sa nabanggit na mga lugar dahilan upang hulihin ang mga ito at isyuhan ng paniker dahil sa kanilang paglabag sa anti-illegal parking.

Noong Lunes ang unang araw nang pagpapatupad ng MMDA para sa mataas na multa sa mga traffic violation tulad ng anti-illegal parking, yel-low bus lane at iba’t ibang uri ng traffic  obstructions.

Napag-alaman na P1,000  ang multa para sa  ­attended ­illegal parking at sa ­unattended illegal  parking  ay P2,000 at para naman sa lumabag sa traffic obstruction at ignoring traffic signs ay P1,000.

Para naman sa mga lumabag sa yellow bus lane sa EDSA ay P1,000 din ang multa.

Ayon naman sa tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialgo, posibleng matiketan ng hanggang dalawang beses sa loob ng tatlong oras ang mga pasaway na mga moto­rista.

Sinabi ni Pialgo na kapag may nahuli silang sasakyan na ilegal na nakaparada at wala ang driver nito ay bubusina ang MMDA ng tatlong beses upang matawag ang pansin ng driver.

Subalit kung hindi pa rin lumabas ang driver makalipas ang isang minuto ay bubusinang muli ang MMDA ng tatlong beses at sila ay mag-iisyu na ng violation ticket.

“Maliit lang po ang mu­lta kaya hindi ito magiging mabigat sa mga driver pero kapag paulit-ulit na po ma­isyuhan ng ticket dyan na po nila ma­raramdam na mabigat ang fine dahil maiipon ‘yun at talagang malaki ang amount, dyan lang po mari-realized ng mga violator ang mabigat na penalty,” pahayag ni Pialago.

Nabatid pa kay Pialago na hindi  muna  ito-tow ang mga sasakyan na nakabalandra sa kalsada puwera na lamang kung ito ay nakaharang sa babaan ng mga footbridge, intersection o curve lane.

Ayon kay Pialgo magsasagawa sila ng towing kapag ikatlong beses nang nasita ang driver para sa illegal parking. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.